Miyerkules, Mayo 30, 2012



Hindi mo batid ang pakiramdam ng
     tila ba lahat ng ginagawa mo
          ay puro kamalian na lang.


Hindi mo alam
    kung paanong mamuhay sa
         mundong aking ginagalawan.


Ang palagiang masaktan.
   Ang tila ba nasa kawalan.
      Ang maiwang mag-isa sa kadiliman.


Ang patuloy na sipain,
   kahit ikaw na'y nakadapa.
       At tila ba pinagtatabuyan na


Nasa bingit ng pagsuko na,
   Ngunit walang nariyan 
        para tulungan ka


Hindi mo batid ang pakiramdam.
    Maligayang pagdating 
        at pag-alis sa aking buhay.

Lunes, Mayo 21, 2012

Nakapagtatakang takot tayong masaktan ngunit nagagawa nating manakit ng iba. Hindi gustong mahusgahan ngunit kay inam namang manghusga. Ayaw mabalewala ngunit hindi naman magawang mapansin ang mga taong sa ati'y nagpapahalaga. Masarap harayain ang isang mundong ang hangad lamang ng tao ay ang ikaliligaya ng iba bukod sa sarili nila. Ngunit sa huli, mas ninanais pa din nating gawing komplikado ang lahat at patuloy na masaktan at makapanakit ng iba.

Biyernes, Mayo 11, 2012

Araw, Oras, Tagpuan

Ako'y nakaupo sa ilalim ng puno at nakatanaw sa abandonadong gusali na kung saan noo'y madalas tayong makitang magkasama. Iyong gusaling higit pa sa isang palaruan ay nagsilbing kanlungan nating dalawa. Ang nag-iisang saksi sa lahat ng tawanan, iyakan at mga mabababaw nating pag-aawayan.

Biglang bumalik sa alaala ko yung isang gabing inutusan ako ni inay na bumili ng kandila sa tindahan. Bumabagyo noon at ilang oras na simula noong naputol ang mga ilaw. Napadaan ako sa ating gusali at nakita ang maliit na liwanag sa loob nito.

Ngiti lamang ang isinagot mo sabay pahid sa tinatagong luha noong tinanong kita kung bakit ka naroroon. Niyaya kitang umuwi ngunit ayaw mo. Hindi na kita pinilit dahil sa alam kong gaya sa lahat ng ating mga laro, hindi naman ako mananalo. Sa halip ay tumabi ako sayo't hinubad ang suot na makapal na damit at iniabot ito sa iyo. Napansin ko kasing ikaw ay nangangatog.

Gusto ko sanang tanungin ka kung anong nangyari. Dahil hindi mo pa naman nagagawa ito dati. Hindi mo pa nagagawang lumayas sa inyo dahil hindi ka naman suwail na anak gaya ko. Ngunit walang salitang lumalabas sa labi ko. At ang tanging nagawa ko lang ay samahan ka magdamag at noon nga'y magkatabing natulog tayo.

Pagmulat ng aking mga mata kinaumagahan ay hindi na kita nakita. Iniisip na napagpasiyahan mong umuwi na. Walang ideya na iyon na din ang huling pagkakataon na makikita kita.

Umiiyak ako habang kinukuwento ni inay ang pagalis ninyo. Hindi mo man lang nagawang magpaalam sa akin kahit sa huling pagkakataon kaya't magkahalong lungkot at kaunting galit ang nararamdaman ko noon. Ngunit nawala lahat iyon nang sinabi ni inay ang dahilan kung bakit kita naabutang umiiyak noong gabing iyon. Inakala mo daw kasi na ang pakikipagkaibigan mo sa akin ang dahilan ng paglipat ninyo. Dahil noon pa pala ay palagi ka nang pinapagalitan dahil masama lang daw akong impluwensiya sa iyo. Pero ang totoo ay matagal na palang naka-plano ang pagtungo ninyo sa amerika.

Labindalawang taon na ang lumipas. Wala man lang akong narinig na balita mula sa iyo. Hindi mo man lang nagawang tumawag para kamustahin ako. At hanggang ngayon ay tinatanong ko pa rin sa sarili kung bakit hindi mo man lang nagawang magpaalam sa akin. Hanggang ngayon ay taon-taon pa rin akong dumadalaw sa ating gusali sa parehong petsa ng huli tayong magkita. Nagbabakasakaling may makita ulit na maliit na liwanag isang maulan na gabi at sa isang sulok ay muli kitang makikita. Na tulad ng dati ay magkasama tayong matutulog na dalawa.