Miyerkules, Agosto 31, 2011

Inakalang laging maasahan
Na walang makakasira sa ating pagkakaibigan.
Nangakong basta't magkasama,
Laging maayos ang lahat,
Palagiang masaya.

Ngunit ngayon ang tingin
sa sarili'y isang mangmang,
Dahil ako'y binigo mo lamang,
Mahihirapan nang muling
Magtiwala kanino man.

Salamat, sa pagtuturo sa akin,
Na hindi dapat magtiwala sa mga kaibigan.
At salamat, sa iyong mga kasinungalingan.
Ang pagkakaibigan at masasayang pinagsamahan natin,
Bawiin mo na, bawiin mo na lang.
Hindi mo batid ang pakiramdam
Na tila ba ang ginagawa mo ay puro kamalian na lang
Hindi mo alam kung paanong mamuhay sa mundong aking ginagalawan.
Ang palagiang masaktan.
Ang tila ba nasa kawalan.
Ang maiwang mag-isa sa kadiliman.

Ang patuloy na sipain, kahit ikaw na ay dapa.
At tila ba pinatatabuyan na.
Na tila ba nasa bingit ng pagsuko na,
Ngunit walang nariyan para tulungan ka
Hindi mo batid ang pakiramdam.
Maligayang pagdating sa aking buhay.

Lunes, Agosto 29, 2011

Nakatanaw sa kalawakan
Sinusubukang ang mga bituin ay masungkit at mahawakan
Upang sa araw na sa buhay ko'y ika'y magisnan
May lakas ng loob na ang mga talang ito'y sayo'y mailaan

Biyernes, Agosto 26, 2011

Sinuklian mo
Pagmamahal ko sayo
Nananaginip
I'm falling apart
Struggling hard to survive
Save me from myself.
Lumalagaslas
Sumusubok lumipad
Nahahapo na.
Pinipilit kong
Tanggapin lahat ito
Naninibugho

Sabado, Agosto 20, 2011

Nakalutang ang isipan
Nakatanaw sa kawalan
Gaano man pilit kalimutan
Sadyang labis na naguguluhan


Naghahanap ng kasagutan
Sa mga tanong na gumugulo sa isipan
Dahil tila ba may dapat matutunan
Sa lahat ng pangyayari noong mga nakaraan.
Naga-atubili
Natatakot sa maaaring mangyari
Hinahanda ang sarili
Sa masasakit na salitang maaaring masabi

Handang magpakumbaba
Kung gusto'y luluhod pa nga
Handang saluhin ang ano mang bibitawang salita
Dahil sa pagkakataong ito'y ako ang nagkasala.

Biyernes, Agosto 19, 2011

Hindi mapakali
Kanina pang nag-aabang
Inaasam-asam
Muli kang masilayan.
Panibagong umagang hindi alam kung saan mag-uumpisa
Hindi pa rin mawari kung saan magpupunta
Tinatanong sa sarili kung ang lahat bang ito ay may patutunguhan pa
O mananatili na lang ganito't patuloy na nag-iisa.
Nagugulimihanan
Lubos na naguguluhan
Hindi magawang maintindihan
Sadyang kay hirap maunawaan
Sa isang iglap
Nagbalik ang lahat
Masaklap na naganap
Isang malungkot na nakalipas

Isang buntong hininga
Ang tanging nagawa
Mga kinalimutan alaala
Hindi inasahang babalik pa

Isang bangungot
Nababalot ng takot
Nagliliyab na poot
Sa matinding inis ay nababalot

Kalma..

Huwebes, Agosto 18, 2011

Nangangapa
Takot ang nadarama
Punong-puno ng pangamba
Hindi alam kung saan mag-uumpisa.

Ang araw ay muling magliliwanag
Para sayo,
para sa akin,
Para sa ating lahat.
Kaya't huwag manibugho

Alisin ang lahat ng pangamba
Dahil ito na umpisa

Sa pagkakahimlay ay babangon na.

Miyerkules, Agosto 17, 2011

Nariyan ka,
May sariling mundo
Narito ako,
At ikaw ang mundo.
Pasasalamat ko’y Sayo
Dahil ako’y inibig mo
Ang buhay kong ito
Unti-unti mong binabago

Madalas nadadapa
Patuloy na nagkakasala
Di mo gusto’y nagagawa
Sa paghawak mo’y pilit kumakawala

Ngunit hindi maintindihan
Kung bakit lagi kang nandiyan
Sa oras ng pangangailangan
Handa laging tulungan

Ang buhay kong ito
Iniaalay ko Sayo
Sambit ng puso ko
Pasasalamat sa kabutihan Mo
Sa unos na ito,
Ikaw ang kanlungan ko
Ang matibay na sandigan
Sa kabila ng mga gulo.

Sa oras ng kagipitan,
Ikaw ang takbuhan ko
Ang siyang nagbibigay kapayapaan
Sa magulong buhay ko.


Ang kapanatagang hinahanap ko,
Sa iyo ko lang matatamo
Walang hanggang pasasalamat
Isasambit para sayo.

Lunes, Agosto 15, 2011

Gusto kong lumayo.
Nais na magtago.
Pansamantalang lisanin 

       ang nakasanayang mundo.
Subukang limutin ang lahat ng ito.
At bumalik na lang kapag 

      muli ko nang nahanap ang sarili ko.
Nagsimulang tumipa,
Sa saliw ng isang malungkot na musika,
Mabigat pa rin ang nadarama
Dahil ang teklado ay nananatiling sira pa.

Linggo, Agosto 14, 2011

Hindi man gustuhin,
Hindi man akalain,
May mga tao sa paligid natin
Na nasasaktan ng di pansin

Ang pagiging kampante,
minsan, ay mali rin pala.
Na akala mo ayos lang kayo,
Pero may nagawa ka na palang di maganda.

Ang damdamin ng iba ay ating ikonsidera
Tingnan ang kilos kung nakakasakit na.
Piliin ang salita, upang maiwasan na,
Ang di pagkakasundo at galit sa isa't-isa.

Sabado, Agosto 13, 2011

Isang barkada.
Turingan ay pamilya
Pinagtagpo ng tadhana
Pinagbuklod ng saya

Lumipas ang tatlong buwan
Mas tumatag ang samahan
Sa saya o lungkot man
Laging handang magdamayanan.

Marami mang hindi nakakaintindi
Marami mang matang mapang-api
Marami mang pumipilit na ang saya ay mapawi
Hinding-hindi kailanman pagagapi

Sa mga pagsubok na dumaan,
Mas lalong nagkakilanlan
Ang mga unos na pinagdaanan,
Ang siyang nagpalalim ng pagmamahalan.

Dumating man yung araw na matapos ang saya
Na ang bawat isa ay may kanya-kanyang buhay na
Asahang hinding-hindi malilimutan pa
Na minsan sa aking buhay, tayo ay nagkakilala.
Isang masayang tula
Pinipilit na malikha
Tulang walang drama
Kagalakan ang siyang tema

Ngunit hindi alam kung saan sisimulan
Ang isang tulang puno ng kasiyahan
Kung iba naman ang iyong nararamdaman
At walang damdaming pinaghuhugutan

Tunay ngang mahirap magpanggap na ika'y masaya
Gayung sa loob-loob mo ay nahihirapan ka
Umaasa pa rin doon sa araw na.
Isang masayang tula ay sa wakas masambit na.

Huwebes, Agosto 11, 2011

Ang ngisi'y hindi mapigil
Kakaibang galak ang dulot sa akin
Sa tuwing aking iisipin
Masasayang pinagsamahan natin.

Nagkatagpo sa hindi inaasahang pagkakataon
Natutunang magmahalan sa sandaling panahon
Ngunit kahit na ba ganon,
Tila ba ang langit sa ati'y sumang-ayon.

Hindi na mapigil pa ang nadarama
Sa puso ko ay napamahal na ng sobra
Kahit na ba malayo sa isa't isa
Ang kasiguraduhan lang ng pagmamahal mo ay sapat na.
Sa pag-ibig lahat nagsimula
Isang pagkakaibigang hindi inakala
Isang taong ni sa hinagap,
Hindi akalaing kailanma’y makikilala.

Naalala mo pa ba noong una tayong nagkakilala?
Nagtapat ako ng pag-ibig para sa iba?
Sumulat ka sa akin na sobrang saya
Na sa sinabi ko’y hindi matawaran ang ligaya

Pagkatapos noon ay lubos pang nagkakilanlan
Na sa araw-araw ay hindi matapos ang usapan
Punong-puno ng kasayahan,
Hindi mapatid na mga tawanan.

At ang pagkakaibigan nga natin ay mas lumalim pa
Ang turingan natin ay magkapatid na nga
Magkasama sa saya man o pagluha.
Sa isa’t-isa ay lubos ang tiwala

Kahit na ba parehas tayong may sapak
Pero yung ang naging dahilan upang tayo’y mas tumatag
Hinding-hindi sayo magsasawa
Umaasaparin sa ating unang pagkikita.

Miyerkules, Agosto 10, 2011

Maaliwalas ang panahon
Isang pangkaraniwang hapon
Nakaupo sa isang silya,
Ilang oras na ring naroroon

Pinagmamasdan ang bawat nadaan
Mga batang pauwi galing eskwelahan
Mga magkahawak kamay na magkasintahan
Mga taong tila ba puno ng kagalakan

Hindi ko tuloy maiwasang isipin ka
Magbalik tanaw sa masasayang alaala
Yung mga panahon na sobrang mahal ang isa't isa
At nangakong kailanma'y hindi maghihiwalay pa

Ngunit ang mga ngiti ay napalitan ng kalungkutan
Dahil sa katotohanang ako'y iyo nang iniwan
Na pinili mong sa buhay ko ay lumisan
Kaya ngayo'y nag-iisa dito sa upuan
'Magkaibigan pa rin naman tayo. Wala naman talagang label ito, diba?'

Isa sa mga pinakamasakit na salitang narinig ko sa buong buhay ko. Sa sobrang pagmamahal ko sayo ay nakalimutan kong hindi nga pala tayo. Na sa una pa lang, malinaw nang wala naman talagang tayo at hindi dapat ako umasang may ganito. Pero hinayaan ko ang sariling mahulog ng sobra sayo. Na inakalang magtatagal ito. Na kayang tanggapin na magkaibigan lang tayo kahit na ba sinasabi mong mahal mo ako. Na sapat na iyon at hindi na kailangan pang may itawag sa kung ano man itong meron tayo.

Pero hindi, e. Hindi ko kaya. Ayokong magpanggap na ayos tayo habang umiiyak ako pagtalikod mo. Hindi ko kayang maging kaibigan mo. Alam kong pagiging makasarili ito pero hindi ko kayang mawala ka sa buhay ko. Hindi ko kayang bitawan ang pagmamahal mo. Kahit na ba alam kong wala namang patutunguhan ito. Na sa huli, kaibigan mo lang ako.

Martes, Agosto 9, 2011

Hindi mawari ang dahilan sa tila ba hindi pagpansin.
Ilang beses nang sinubukang suyuin,
Ngunit tila ba walang balak na kausapin,
Na mananatiling hindi alam ang gagawin.

Nagtatanong sa kung ano ba ang nagawa
Ngunit walang narinig na miski isang salita
Mahirap mang tanggapin na may pagkakamali ka,
Ngunit mas mahirap na hindi mo alam kung bakit nilalayuan ka.

Nasasaktan ako at nalulungkot sa mga oras na ito
Dahil bukod sa hindi mo pagsagot sa mga tawag ko,
Sa hindi pagpansin sa lahat ng ginagawa ko para sa iyo,
Alam kong wala akong karapatan na maramdaman ito.

Mahirap na hindi mo alam ang katayuan mo sa isang tao.
Na hindi mo alam kung mahal ka ba nyang totoo.
Lalo na kung hindi mo maramdaman ito.
Lalo na kung hindi nya pansin na sinasaktan ka nya sa ginagawang hindi pagpansin sayo.

Linggo, Agosto 7, 2011

Nakapikit ang mga mata,
Hindi pansin na lumuluha na,
Isinisigaw ang Iyong pangalan,
dahil mahal na mahal Kita.

Huminga ng malalim,
Isinambit ang panalangin,
Walang pakialam kung sino mang nakatingin,
Ang nais lamang ay ang pagsamo’y dinggin.

Hindi maipaliwanag na ginhawa,
Sa unang pagkakataon ay aking nadama,
Kay sarap na balik-balikan pa,
Ang alaala nang una kang makilala.

Biyernes, Agosto 5, 2011

Alas-5 y media ng umaga.
Wala pang tulog.
Nakahiga lang sa kama.
Buong magdamag na iniisip ka.
Inaalala ang mga sandali na kasama ka.
Binabalikan ang mga masasayang alaala.
Alaalang mananatili na lang sa aking isipan,
Dahil ang pag-iibigan nati’y dumating na sa hangganan.
Hindi ko akalain na darating ito.
Yung araw na tayo’y magkakalayo.
Na sa isa’t-isa’y unti-unting lumamig ang pakikitungo.
Hindi nagka-intindihan.
Nagpataasan.
Walang nagpakumbaba,
Hinayaang ang lahat ay lumala.
Hanggang ang pag-ibig ay nawala.
Kaya ako ngayo’y nag-iisa.
Nakahiga sa kama.
Buong magdamag na iniisip ka.
Wala pa ring tulog.
Ngayong alas-5 y media ng umaga.
Ang paghilom ng mga sugat ay nangangailangan ng ilang panahon. Hindi minamadali ang lahat at merong tamang pagkakataon. Nawa nga’y dumating ang araw na iyon. Na maging ayos ang lahat at ang mga hindi napagkasundua’y tuluyan nang mag-hilom.
Nakakatuwang kahit bente uno na ako’t maaari nang magkaroon ng sariling pamilya’t maka-buo ng tao ay pinapagalitan pa rin ako ng nanay ko na para bang dose anyos pa lamang ako.

Oo, nakakatuwa. Kasi doon mo mapagtatantong marami ka pang dapat matutunan. Na marami ka pang nagagawang kamalian. Na hindi ka laging tama at hindi mo pa talaga alam ang lahat sa buhay.

Isa pa ay alam mong hanggang ngayon ay may pakialam pa rin sa iyo ang iyong magulang. Na kahit na ba madalas ay suwail ka na dahil akala mo ay alam mo na ang lahat dahil nga malaki ka na, ay nandyan pa rin sila para ipaalala yung mga nagagawa mong hindi tama. Na hindi man kayo katulad noon na sobrang lambing sa isa’t-isa alam mong nandyan pa rin sila’t inaalagaan ka.

Kaya kung madalas ay natutulig ka na sa mga paulit-ulit na sermon nila sa iyo, alalahanin mo na lang na ginagawa nila iyon dahil sa sobrang pagmamahal na meron sila sayo.
'Huminga ka muna kasi ng malalim bago ka mag-encode. Dahan-dahan lang para maiwasan mo ang magkamali.’ Ika ni Boss noong bago pa lamang ako. At tama nga naman siya. Mas nagagawa ko ng maayos ang trabaho ko kapag hindi ako nagmamadali. Sinunod ko ang payo nya kaya naiiwasan ang madalas na pagkakamali.

Ganoon din sa ating buhay. Ang bawat desisyon na gagawin natin ay dapat na pinag-isipan. Tingnan ang maaaring maging resulta nito at huwag na padalos-dalos lamang. Suriin ang magiging epekto nito sa iyong buhay. Hindi lang sa magandang maidudulot nito sa iyo sa ngayon, kundi maiging sa pangmatagalan. Gamitin ang puso at isip upang maiwasan ang pagkadapa at kamalian. At kung magkamali man ay magpakumbaba at siguraduhing sa kabiguang iyon ay mayroon kang natutunan.

Kapag namatay ako,

Ang sabi ko noon sa sarili ko,

Live Band ang tutugtog sa libing ko. Hindi ko pa rin mapagtanto kung paano iyon pero ini-imagine kong nasa-truck sila at nagra-rakenrol.
Kanta ng Simple Plan ang pinatutugtog. Paboritong banda ko kasi sila mula pa noon. Kapag nangangarap ako, kanta nila ang background music ko.
Masaya at walang naiyak na tao. Ewan ko kung kakayanin ito ng madamdaming nanay ko pero mas gusto kong masaya lahat ng tao.
May tula sa lapida ko. Na sana ay ginawa sa akin ng taong pinahahalagahan ko. Yung tatatak sa isipan ng mga makababasa nito.
Lumpia palagi ang ihahain sa mga nadalaw sa lamay ko. Ayoko ng mga mani at kornik. Lumpia para maalala naman ako ng bawat taong napunta sa kada nguya nila ng paboritong pagkain ko.