Lunes, Disyembre 19, 2011

Minsan kong tinigil ang pagtula.
Nabulag
Nawili
Nilamon ng pagkilalang tinamasa

Tinigil ko noon ang pagtula
Umayon sa nais ng madla
Madalas ibalandra ang mukha
Sumunod sa kagustuhan ng mga taong ni hindi ko kilala

Minsan kong tinigil ang pagtula
Dahil tila ba wala namang nakakaunawa
Walang nakababatid ng tunay na nadarama
At kwento sa likod ng mga salita

Ngunit sa paglimot sa tula
Galak ay nawala
Nakamit man ang ninanasa
Pero wala rin namang napala.

Kaya ngayon nga'y bumalik
Sa kung ano ako ay itinindig
Wala mang nakikinig
Mahalaga'y nagagawa ang hilig

Biyernes, Disyembre 16, 2011

Sa bawat sandaling nasisilayan ko ang iyong mukha,
At sa mga pagkakataon na tinititigan mo ang aking mga mata,
Para bang lahat ay gumagaan,
Tila ba lahat ay nagiging tama.
Nawawala ang pagod
Nalilimot ang problema
Tila ba lahat ay makakaya
Basta kasama lang kita.

Tumayo ka

Palagian ka na lang takot
Lagi na lang nagaalangan
Ayaw man lang sumubok
Hindi naman dapat laging may patunayan

E ano kung madapa ka?
O kung ilang beses mang matalo pa
Ang mahalaga ay hindi sumusuko.
At patuloy na lumalaban ka.

Kasi ang pagkadapa,
Ay hindi nangangahulugang talo ka na
Nag-umpisa kang matalo
Noong hindi ka na nag-abalang tumayo pa.
Ang kaparusahang kinakaharap
Ay siya lamang nararapat
Dahil sa labis na kapalaluan
Ngayon dito'y nakasadlak

Miyerkules, Disyembre 14, 2011

04/06/2005

Limang araw bago ang aking ika-labinlimang kaarawan at araw ng pagtatapos sa elementarya ng aking nakababatang kapatid.

Simula na noon ng ating bakasyon. Sinusulit ang panahon na magkakasama dahil baka hindi na magka-eskwela sa susunod na taon. Pagkatapos manood ay nagpasya tayong tatlong libutin ang dating paaralan. Matagal-tagal na rin kasi tayong hindi doon nakadalaw.

Habang naglalakad ay hindi maubos ang ating tawanan at kwentuhan. Nakakatuwang balikan yung mga alaala ng nakaraan. Nawili masyado sa usapan. Hindi namalayan na ilang oras na pala ang nakalipas. Nagsisimula nang dumilim. Dali-dali tayong tumakbo tungo sa tarangkahan. Sarado. Kaya pumunta naman tayo sa likod para doon lumabas ngunit sarado na rin ito. Wala tayong ibang pagpipilian kundi ang akyatin ang mataas na bakod nito.

Noong tuluyan na tayong nakalabas ay walang pagsidlan ang ating tawanan. Hindi kasi akalain na magagawa ito kailanman. Hindi pa kasi tayo nakakapag-'over-the-bakod' noon dahil nga mga matitinong estudyante kuno tayo. Pagkatapos noon ay nakangiting naghiwalay na tayo. At tulad nga ng ating ikinakatakot, sa sumunod na taon ay nahiwalay na ako sa inyo.

Pero kung meron mang isang bagay na hindi ko nasabi sa inyo noong araw na iyon, ito ay iyong labis labis noon ang pagseselos ko. Na sobra akong nasasaktan habang nasa likod ninyo ako at nakikitang magkahawak ang mga kamay ninyo. Na nabibiyak ang puso ko sa tuwing nakikita ang matamis na tinginan ninyo. Pero wala akong magawa dahil mas mahalaga sa akin ang pagkakaibigan na meron tayo. Wala akong magawa. Dahil mas pinili kong magpaubaya dahil mahal ko kayo pareho.

Martes, Disyembre 13, 2011

Minsan may mga bagay na mawawala sa iyo na labis na magdudulot sa iyo ng kalungkutan. Dahil yung bagay na iyon ang siyang naging dahilan ng kasiyahan mo sa matagal ring panahon. Kaya mahirap talaga para sa iyo ang pakawalan ito. Pero minsan, sa gitna ng kalungkutan na kinakaharap mo, magugulat ka na lang na biglang may darating sa buhay mo na magbabalik ng mga ngiti na matagal ding hindi nasilayan sayo. Yung magpaparamdam muli sayo ng saya na minsan nang nakalimutan mo. Dahil ang ikinaganda ng pagkawala ng isang bagay ay iyong pagkakataon na makatagpong muli ng panibago.

Lunes, Disyembre 12, 2011

03/26/2006

Nakahilera kayo sa hagdan sa likod ng lumang gusali sa likod ng ating paaralan kung saan tayo laging nakatambay. Yung tanging lugar na kung saan ay malayo tayo sa lahat. Nakatayo lang ako at pinagmamasdan kayo. Hindi ko alam ang aking gagawin habang nakikita ko ang pagluha ninyo. Palibhasa ay ako lang ang lalaki sa ating grupo. At mas sanay ako na ako lagi ang pinagtatanggol ninyo. Ang tangi ko lang nagawa noong mga sandaling iyon ay ang tabihan kayo at tapikin ang inyong mga balikat. Nakakainis. Pakiramdam ko ay napaka-walang kwenta ko. Wala man lang akong masabing anumang salita para mapagaan naman kahit papaano ang pakiramdam ninyo.

Ako yung iyakin sa atin pero noong mga oras na iyon ay alam kong kailangan kong pigilan ang pagpatak ng mga nangigilid na luha ko. Dahil alam kong sa pagkakataong iyon ay ako naman ang kailangan ninyo.

Natalo tayo. Masama lahat ang loob. Nabalewalang lahat ang mga pinagpuyatan natin ng ilang gabi. Nabalewala ang lahat ng pagod at hirap na pinuhunan natin.

Nabigo.

Pero kung meron mang isang bagay na magandang naidulot ang kabiguang ito, iyon ay yung alam nating dahil dito ay mas naging matatag pa ang pagkakaibigan na meron tayo. Na sa pagbalik tanaw natin sa nakaraan, maaalala natin ang araw na ito. Sabay sabay na nakangiting babalikan yung araw na nagpabago sa takbo ng ating mundo.

Huwebes, Disyembre 8, 2011

Ang hirap pala kapag blogger din yung dating minahal mo.

- Kasi kahit gusto mong ibahagi yung nararamdaman mo, magkakaroon ka ng limitasyon dahil malaki ang posibilidad na mabasa nya rin ito.
- Masakit kapag meron na siyang bagong sinasabihan ng 'i love you'.
- Kasi makikita mo na habang dumadami ang mga bago niyang nakikilalang tao, mas lalo siyang napapalayo sa iyo.

Biyernes, Disyembre 2, 2011

KILLER SMILE

'May alam po ba kayong problema o dinadala ni Jerome at bakit ganoon na lang ang mga nakasulat sa blog niya?'

May nagtanong daw nito sa nanay ko. Hindi na nya maalala kung sino. Wala din akong ideya dahil konti lang naman ang nakakaalam sa aking blog na parte mundo ko sa labas ng blog site na ito. At hindi rin naman nila binabasa mga nakasulat dito. Lokong 'yon. Nagulat tuloy ako noong sinabi sa akin ito ng nanay ko. May halo ding kaba dahil baka maisipan niyang basahin ang mga laman nito. Eh ang alam pa naman nila e mabait at disente akong tao.

Pero may problema nga ba ako? Bakit nga ba seryoso at puno ng drama ang karamihan ng mga sinusulat ko? Kasi kung tutuusin ay malayo ito sa totoong ugali ko. O at least sa mga nakikita sa akin ng mga nakakasalamuha kong tao. Dahil ang ako sa likod ng monitor na ito ay masayahin at laging nakangiti lang. Sabagay, pati nga litrato ko dito, malayo din sa itsura ko kapag nakita mo na ako sa personal.

Wala lang. Wala naman akong problema. Wala akong malaking problema na kinahaharap sa buhay ko. Bukod sa kung papaano ko pagkakasyahing maitawid ang mga luho ko sa kakarampot kong sweldo at sa kung papaano mababago ang pagiging bokya ng buhay pag-ibig ko, wala na akong maisip na ibang maaaring problemahin pa. May mga pagkakataon lang talaga na kailangan kong mailabas ang nararamdaman ko. Kasi nga lagi na lang akong nakangiti. Parang tanga lang. Kahit nahihirapan na. Kahit nasasaktan. Parang ewan. Ngingiti-ngiti lang. Nasanay na lang na sinasarili ang nararamdaman. Kaya ito na lang blog ko ang nagsisilbing aking hingahan. Yung nagsisilbing outlet ko parang maialis yung mga bad vibes sa bawat araw.

Kaya kung susumahin natin, yung killer smile (o 'ngiting aso' sa tagalog lol) ko ang may kasalanan. Kasi kung marunong lang akong maglabas ng nararamdaman ko at hindi laging nakangiti lang, malamang ay hindi ko na kailangan pang mag-drama sa blog na ito kahit kailan.

Huwebes, Disyembre 1, 2011

Ang sakit ng dibdib ko. Hindi talaga ako sanay kapag under pressure. Ayoko din ng sinisigawan ako pero mas ayoko naman na ako ang nakakapanakit ng tao kaya madalas ay tahimik lang ako. Sinasalo lahat. Pero kahit ganito, nakangiti pa din ako. Hindi mawawala yun. Pero halata sa mga mata ko ang kaba, galit o kung anuman ang kasalukuyang nadarama ko. Ang hirap sa trabahong meron ako ay pagkatapos ng madugong pakikipag-usap sa isang kliyente ay kailangan mo na namang harapin na nakangiti ang isa pa kahit kahit na ba nangingig ka pa.

O siya, ngiti na. :))