Biyernes, Setyembre 30, 2011

Hindi maisalin sa salita
Ang kasalukuyang nadarama
Hindi alam kung susuko na
Hindi na batid kung dapat pa bang kumapit pa

Hinihintay kong manggaling mismo sayo
Na utusan akong bitawan na ang kamay mo
Dahil kahit na ba maluwag na ang kapit mo
Ay sinusubukan ko pa ring kumapit dito.

Pero handa namang bumitaw
Handa naman ika'y pakawalan na lang.
Ang gusto ko lang ay may kasigraduhan.
Ang gusto ko lang ay marinig ang iyong pamamaalam.

Biyernes, Setyembre 23, 2011

Ang Pagtakbo ni Kaloy

Nagising ako isang umaga na mabigat ang pakiramdam. Para bang gusto kong umiyak, magwala at magsusumigaw. Hindi ko maipaliwanag ang nararamdaman kong ito. Basta bigla na lang napuno ng poot ang sarili ko pagmulat pa lang ng mga mata ko.

Ako si Kaloy. Labingwalong taong gulang at kasalukuyang nag-aaaral sa isang maliit na kolehiyo dito sa aming probinsiya. Masasabi kong mayroon akong simpleng buhay. Walang masyadong pinagkakaabalahan dahil sa wala namang maaaring gawin sa aming maliit na bayan. Kaya't palagian na lang akong walang ibang pagpipilian kundi ang tumulong sa gawaing bahay.

Tatlong kilometro ang layo ng nilalakad ko papunta sa kolehiyong pinapasukan. Kaya't marami akong oras na mag-isip sa mga bagay-bagay. Mula sa pinaka-malalalim kong problema at dinadala hanggang sa mga walang kwentang bagay na naglalaro sa aking isipan. Kadalasan ay iniisip ko kung makakamit ko ba ang mga pinapangarap ko, o kung kailan ba ako magkakaroon ng mga kaibigan. Kasi nga, dahil malayo pa ang aking tinitirahan ay kailangan ko nang magmadali sa pag-uwi pagkatapos ng klase. Tahimik lang din ako dahil seryoso ako sa pakikinig sa mga itinuturo ng aming propesor. Walang oras maglakwatsa dahil upang mapag-aral ako ay nagtitiis kumayod ng doble ang ama't ina ko. Ilap din sa akin ang aking mga kamag-aral dahil siguro sa itsura ko. Payat at sunog ang balat. Batak dahil sa mga naranasang hirap.

Pero wala naman akong reklamo. Kontento naman ako sa buhay ko. Kaya nga hindi ko maipaliwanag ang nararamdamang ito. Alam kong hindi ito galit. Dahil wala naman akong dahilan para makaramdam nito. Siguro ay nagsasawa lang ako. Nagsasawa sa paulit-ulit na pangyayari sa buhay ko. Marahil ay nagsama-sama lang ang mga emosyon na pilit kong sinasarili dahil wala naman akong mapagsasabihan nito.

Pero hindi pwede dito. Magigising ang magulang at mga kapatid ko. Baka isipin nilang nasisiraan na ako ng ulo. Tatakbo na lang ako. Tatakbo papunta sa lugar kung saan maari akong umiyak at magsisisigaw ng todo. Tatakbo na lang ako. Hanggang sa mapawi ang bigat na nararamdam ko. Itatakbo ko na lang ito.

Lunes, Setyembre 19, 2011

Hindi talaga natin masusuyo ang lahat. Kahit anong pilit nating pakisamahan ang iba ay meron at merong sadyang ang pakikitungo sa iyo ay hindi maganda. Pero hindi naman iyong dahilan para gantihan mo din ng hindi maayos na pakikitungo ang ginagawa nya. Mas maganda ngang patuloy mo siyang pakitaan ng maganda dahil malay ba natin kung maagtanto niya ang mali niya, diba? Dahil sabi nga nila, mali ang paggawa ng isa pang mali para lang maitama ang isang pagkakamali.
Habang patuloy mong iniisip yung mga bagay na hindi mo nakamit, yung mga bagay na ginusto mo pero di mo natamo at yung mga nasirang pangarap mo, mas lalo lang titindi ang lungkot na nararamdaman mo. Bakit kasi hindi natin subukang tingnan yung mga bagay na meron tayo? Yung mga simpleng pangyayari, pagkakataon at mga tao sa buhay mo na masasabi mong mapalad ka pa din dahil nandiyan sila para sa iyo. Kasi kung napapansin mo, kahit na ba hindi lahat ng bagay ay naaayon sa mga ginusto mo, sa huli ay naaayos din ang lahat. At may magandang bagay na nakalaan para sayo. Hindi man eksakto sa mga naisin mo, pero sapat na para maging masaya ka at makuntento sa buhay na ito.
Kung ang pagkamit sa iyong mga pinangarap ang basehan upang masabing ikaw ay nagtagumpay sa buhay, kung gayon ay matatawag akong isang kabiguan.

Ang mga sirkumstansiya at pangyayari sa nakaraan ay hindi ko napagplanuhan. At ang naging resulta ay kaiba sa aking kagustuhan.

Ngunit naniniwala ako na ako’y nadapa lamang at hindi nabigo. At mula sa pagkadapa ako ay tatayo. Dahil ang pagkadapa ay hindi nangangahulugan ng pagkabigo. Nag-umpisa kang mabigo noong hindi ka na nag-abalang tumayo.
Minsan natatawa na lang ako sa sarili ko dahil sa mga kabalastugan na pinapasukan ko. Noon, wala akong masabi tungkol sa pag-ibig at sa kung ano man ito. Kasi nga wala naman akong alam dito. Walang karanasan. Walang karapatan mag-salita dahil wala naman akong maiku-kuwento talaga. Tapos ngayon bigla na lang may dumating na tao sa buhay ko na nagbago ng lahat ng ito. Ang problema lang ay hindi naging madali ang lahat. Nagkandaloko-loko ang unang subok ko. Ang bilis naman kasi ng mga hamon. Baguhan pa nga lang diba? Pero ang dami na kaagad problema. Hindi na lang muna ipinagpaliban kapag may sapat na akong karanasan sana para hindi naman ako masyadong maging emosyonal. Para meron naman akong laban. Pero ano nga bang magagawa ko, e ginusto ko 'to. Tinamaan ako. Hindi man magiging madali ito, pero sa huli sapat na sa akin na alam kong nagmahal lang ako. At kahit na mahirap ay masaya ako.
May mga bagay talaga na sadyang lumilipas. Na naglalaho. Na kahit anong pilit natin ay hindi na maibabalik pa sa dati ito. Nakakalungkot isipin na noon ay sobrang lapit nyo. Na tila ba wala nang makakapag-hiwalay sa inyo. At nangakong sabay tutuparin ang mga pangarap nyo. Pero bigla na lang dumating yung panahon na nawala na yung pagiging malapit nyo. Na bigla na lang may dumating na mga bagong tao, mga sitwasyon na hindi nyo parehong ginusto, at mga bagay sa buhay nyo na naging dahilan upang magkalayo kayo. At kahit anong subok ang gawin, ay sadyang ang nakaraan ay mahirap nang abutin. At ang lahat ay mananatili na lang na masasayang alaala na wala ka nang magagawa kundi sa iyong isipan na lang ulit-ulitin.
Ang tagal ko na din pa lang hindi umiiyak. Siguro ay kusa nang sumuko ang kung ano man ang pinangggagalingan ng mga luha ko dahil sa sobrang daming pagkakataon ng umiyak ako. Nagsawa na yata. Hindi na kinaya. Namanhid na. Dahil sa sobrang daming masasakit na alaala. Naawa na din ata. Dahil baka daw kapag nagpatuloy pa ay hindi ko na makaya. O baka naman ako na itong natuto na. Baka sa wakas ay naging matatag na. Sana nga. Sana nga. Dahil sa susunod na umiyak ako, ang nais ko sana ay iyong luha na ng ligaya.

Linggo, Setyembre 18, 2011

Ang totoo nyan e, sobrang natatakot ako. Na hindi pa nga nagsisimula ang lahat e, matapos na ang kung ano man itong meron tayo. Natatakot ako sa katotohanang walang kasiguraduhan ang lahat ng ito. Na ang mga bagay ay masyadong kumplikado. At tanging pag-ibig lang ang siyang nagiging dahilan upang kumapit pa tayo. Ang tanging pinanghahawakan ko kung bakit nananatili pa rin akong umaaasa na balang araw ay magiging malaya rin tayo. Sana nga dumating ang araw na iyon. Na patuloy kang kumapit sa akin dahil kailanman ay hindi ko bibitawan ang kamay mo. Maliban na lang kung kusa mong ilalayo ito.
Iniisip ko yung araw na sa unang pagkakataon ay magkikita na tayo. Kung ano ba ang magiging reaksyon ko pag nagkataon. Kung yayakapin ba kita kaagad o mas mamamayani na naman ang pagiging mahiyain ko at hindi ko alam ang gagawin ko. Ewan ko ba pero sabik na sabik na ako sa araw na iyon. Kasi habang lumilipas ang mga panahon, ang mga araw na hindi tayo nagkakausap at sa isa't-isa ay walang masyadong oras, mas lalo kong napapatunayan sa sarili ko kung gaano ang pagmamahal ko sa iyo. Dahil lagi kang natakbo sa isipan ko. Lagi kang laman nito. Kaya nga gusto na kitang makita. Para meron naman akong alaala ng una beses na mahawakan kita, maamoy ka, ang makita ang iyong mga ngiti at ang kagandahan ng iyong mga mata. Nais na kitang makita upang maipadama ko na sayo na mahal kita ng sobra.

Linggo, Setyembre 11, 2011

Minahal kita ng todo
Binigay ang lahat-lahat sayo
Walang anumang itinago
Dahil lubos ang tiwala ko

Kaya't ganon na lang ang lungkot ko
Nang malamang niloko mo
Ginamit ang kahinaan ko
Upang makamit ang pansarili mong gusto

Kaya ngayo'y nahihirapang magtiwala pa
Hindi alam kung magagawang umibig pa
Dahil ang puso ay nasaktan ng sobra
Ang nais lang ngayon ay ang mapag-isa.

-Samson and Delilah

Sabado, Setyembre 10, 2011

Naghihintay sa iyong tawag.
Nagsasawa, nagagalit.
Desperadong marinig ang iyong tinig.
Nakikinig sa kantang sabay natin dating inaawit.

Nasa kotse, naalala mo pa ba?
Mga paru-paro, isang tag-araw.
Tumutugtog ng paulit-ulit lang.
Gaya ng sa tuwing nagtatagpuan.
Habang patuloy kang nakikisalamuha
Habang patuloy kang humihinga
Hindi ka makakaiwas sa mga pagpuna
Palagiang may mga matang handang manghusga.

Ngunit hindi mo naman sila kailangan pansinin
Hindi mo sila kailangan intindihin
Lalo't kung wala ka namang masamang gawain.
Huwag mong hayaang ang galak mo ay kanilang pawiin.

Miyerkules, Setyembre 7, 2011

Pitong buwan na ang nakararaan
Noong tayo'y naging magkaibigan
Ngunit sa maikling panahong pinagsamahan
Ka'y rami nang pinagdaanan

Naalala mo pa ba?
Noong sa isang kaibigan tayo'y nagpunta?
Takot na takot tayong dalawa
Na baka hindi na makauwi pa.

Nabutas ang bulsa natin noon,
Sadyang kakaibang karanasan ang nangyaring iyon.
Ngunit kahit na ba nagkagayon,
Isa ito sa mga alaalang di malilimutan sa habang panahon.

Pagbati ko'y nahuli man,
Nais ko lang na iyong malaman,
Na lagi akong nandito ano't ano pa man
At nawa'y naging masaya ka sa iyong kaarawan.

Sabado, Setyembre 3, 2011

Nanghihinawa
Sa mga pangyayari'y sadyang nagsasawa
Makailang ulit nang pinatawad ka
Ngunit patuloy mo pa ring ginagawa

Pinipilit kong kumapit dahil mahal kita
Ngunit ikaw itong tila ba wala nang gana
Hindi alam ang pagkukulang kung saan banda
Dahil tila ba pagmamahal mo'y naglaho na

Ngunit gayunpaman ang nararamdaman
Sinusubukang paliwanag mo'y pakinggan
Dahil kahit na ba lubos na nasasaktan,
Hindi maikakailang mahal ka nang lubusan.

Biyernes, Setyembre 2, 2011

Magiging ayos din ang lahat
At ang mga naka-tatong kamalian ay unti-unti ring lilipas.
Habang tayo'y nabubuhay, patuloy na tumatakbo ang oras,
At hindi na natin iyon maibabalik sa oras na tayo'y mautas.