Linggo, Hulyo 31, 2011

Madalas, kaya tayo napapalayo sa Panginoon ay dahil sa nagawa natin na alam nating hindi nakalulugod sa Kanya. Ang hirap kaya tumawag lalo na’t alam mong sa puso mo ay mayroong hindi tama. Na gusto mo Siyang lapitan pero alam mong marami kang pagkukulang. Kaya mas pinipili na lang natin sarilinan ang lahat. At sa Kanya ay nakakalimutan nang tumawag.

Ngunit taliwas sa nararamdaman natin, ang nais ng Panginoon ay iiyak sa Kanya ang lahat ng mga dalahin natin. Yung mga bagay na bumabagabag sa atin. Yung mga problema at suliranin na pumipigil para ikaw ay maging masaya. Maging yung mga kasalanan na nais mong alisin Niya. Handa Siyang makinig, handa iyakan mo Siya. Hindi Niya tayo pababayaan dahil tayo’y mahal na mahal Niya.
Alam mo yung gusto mong ibalik yung nakaraan, ngunit maraming bagay na humahadlang?

Kapag naaalala mo yung saya ng mga panahon na iyon, hindi mo mapigilang mapa-ngiti. Ang sarap kasi balikan yung mga dating nakagawian. Yung mga bagay na parte noon ng buhay mo. Yung mga bagay na bumuo ng iyong pagkatao. Pero biglang mapapalitan ng kalungkutan ang mga ngiti mo, dahil naaalala mong malaki na ang nagbago. Na gustuhin mo man ay hindi mo na maibabalik ang nakaraan. Dahil ang kapalit noon ay ang pagbitiw sa mga bagay sa buhay mo sa kasalukuyan. Na nahihirapan kang pumili kung ano nga ba ang makapagpapasaya sayo ng tunay. Ang nakaraan ba, kung saan nabuo ang sa kung sino ka ngayon, o ang kasalukuyan kung saan unti-unti mo nang natutupad ang mga pinangarap mo buong buhay mo?

Lunes, Hulyo 25, 2011

Mabigat sa puso ang mapalayo mula sa Iyo. Ilang beses na Kitang tinakbuhan, ilang beses na pilit na lumalayo mula sa Iyo. Kahit na ba alam kong wala akong magagawa kung wala Ka sa buhay ko.

Ang hirap kasing lumapit lalo’t alam kong may mali sa sarili ko. Ang hirap humarap sa Iyo ng hindi tama ang puso ko. Nasasaktan akong hindi Ka maramdaman sa buhay ko. Ngunit alam kong mas nasasaktan Kang napalalayo na ako sa Iyo.

Alam kong handa Mo akong patawarin, bumalik lang ako sa pagkakahawak mo. Na handa mo akong muling yakapin, tanggapin ko lamang muli ang pagmamahal Mo.

Sawa na akong tumakbo mula sa Iyo. Iyan ang iniiyak ng puso ko.
Nagising ako sa isang malakas na kalabog mula sa may labas ng aming tahanan. Mag-aala una ng umaga. Pagmulat ng aking mata ay nandoon na ang aking kapatid sa bintana at nakasilip upang malaman kung ano ang nagaganap. Sa aming pagsulyap mula sa itaas ay nakita namin ang iilang taong nasa may kalsada. May na-aksidente. Dumulas ang sinasakyan nitong motorsiklo. Hindi namin maaninag ang buong pangyayari dahil sa nakaharang na puno. Maya-maya pa ay nagdagsaan na din ang mga tao. Nag-umpisa nang sumigaw at mag-iyakan ang kababaihan na kasama nito. Hindi na kami nagtangka pang bumaba dahil wala rin namang kaming magagawa at may sasakyan na rin namang dumating upang tumulong. Ilang sandali pa ay naisakay na yung lalaki’t nagsipulasan na ang mga tao.

Bigla lang pumasok sa isipan ko na hindi talaga natin hawak ang buhay. Wala tayong kasiguraduhan sa maaring mangyari sa atin sa kinabukasan. Na kahit ano pang edad mo, kahit gaano ka pa kalakas at kahit ikaw pa ang pinaka-mayamang tao, darating yung araw na lilisanin din natin ang mundong ito.

Una-una nga lang daw iyan ika nga nila. Kaya habang may pagkakataon pa tayo, habang bata pa, habang may lakas pa, ipakita natin sa mga tao sa paligid na mahal natin sila. Subukan ang lahat ng magpapaligaya sa iyo. Huwag matakot harapin ang anumang bagay basta’t ikasisiya mo. Basta’t sa pagtupad nito ay wala kang natatapakan na tao. Gawin mo ang lahat, sundan ang mga ninanais ng puso mo. Sulitin mo ang mga araw na ilalagi mo sa mundo.
Laging pinapaalala sa amin ng nanay namin simula pa noong mga bata pa lang kami na kung hindi hindi mo kayang pahalagahan ang maliliit na bagay ay papaano ka pagkakatiwalaan sa mga malalaking bagay.

Dapat tayong maging kontento at mapagpasalamat sa kung ano ang meron tayo. Huwag mong tingnan yung iba sa kung ano ang meron sa kanila na wala ka. Maiinggit ka lang talaga. Ang bigyan mo ng atensyon ay yung kung papaano mo mapapalago yung ipinagkatiwala sa iyo. Gaano man kaliit ito.
Ang sarap mangarap na may nagmamahal sayo. Na tanggap ka sa kung ano ka at mahal maging ang mga kahinaan mo. Yung taong kakampihan ka kahit galit sa iyo ang buong mundo pero siya mismo ang magtutulak sa iyo upang itama ang mga mali mo. Yung taong tumatawa kahit sa pinakawalang kwenta mong biro at hindi ka iniiwan kahit maghapon lang kayong nagku-kwentuhan at naka-upo. Na sa unang pagkakataon ay may nagmahal sayo ng totoo. Yung taong tanggap ka ng buong-buo.

Gayunpaman sa huli ay nangangarap ka lang at ang lahat ay hindi totoo. Na kailangan mo nang gisingin ang sarili mo at harapin ang buhay ng nagso-solo.
Madaming darating sa buhay mo. Marami kang taong makikilala. Lahat sila ay magiging bahagi ng pagkatao mo. Kabahagi sa pagbuo ng kung ano ka bilang isang tao. Ngunit darating yung panahon na ang karamihan sa kanila ay mawawala. Na hindi man gustuhin ay paghihiwalayin din kayo ng tadhana. Kaya ngayon pa lang ay lubusin mo na ang araw na kasama mo sila.

Magbuo din ng pagkakakaibigan na matatag at alam mong panghabang-buhay. Yung mga taong makakasama mo sa pagtanda at alam mong hindi ka kailanman iiwanan. Yung alam mong totoo sa iyo at hindi yung kaibigan mo lang sa oras ng kasiyahan. Hanapin mo sila at sila yung magiging katuwang mo sa mga darating pang taon ng buhay mo.
Isa sa mga turo sa atin noong mga bata tayo ay ang huwag manakit kung ayaw mo ding masaktan. Na huwag mong gawin sa iba ang ayaw mo ring maranasan. Madalas kasi tayong mag-reklamo sa ginagawa ng iba. Ngunit maging tayo ay mahilig din naman manghusga. At kapag ikaw na ang ginagawan ng masama, parang sobra kang kawawa at parang wala kang ginawang masama.Pero kung gumawa ka ng maganda sa iba, babalik ito sa iyo sa paraang hindi mo inaakala.
Tayo’y tao lamang at madalas na nadadala ng nararamdaman. Hindi naman purke’t nagkamali ka minsan ay masama ka nang tao kaagad. Hindi purke’t may nasabi kang hindi maganda ay nang-aapak ka na kaagad. Lahat tayo ay may taglay na karumihan. Huwag nang magpalinisan.
Dumarating talaga yung pagkakataon sa ating buhay na nawawala na yung kagalakan nating gawin ang isang bagay. At masasabi mo sa sarili mo na bakit pa kailangan manatili kung hindi ka na naman nasisiyahan?

Noong mga nakaraan ay ito ang aking nagiging pakiramdam. Tila ba nawawala na yung kagalakan na ibahagi dito yung aking mga nararamdaman. Na para bang nananatili na lang ako dito dahil sa mga nabuong pagkakaibigan.

Isa na rin siguro sa mga nagiging dahilan nitong pakiramdam na ito ay iyong malaking pagbabago sa sarili ko. Sa mga nagiging ugali ko. Matagal ko din itong itinanggi ngunit marami-rami na rin ang nagsabing tila ba lhindi na ako gaya ng dati. Na masyadong seryoso sa mga bagay at nawawala na yung saya’t ngiti kung saan nila ako unang nakilala. Lagi ko din sinasabi na ayoko sa mga mapanghusga ngunit unti-unti na din akong nagiging katulad nila. Na hinahayaan ko ang sarili kong makapanakit ng iba. Na tila ba wala na lang ang mga masasakit na salita kahit na ba alam kong malaki ang epekto nitong nagagawa.

Siguro nga kaya marami-rami na rin ang lumisan ay dahil nawala na yung dahilan kung bakit sila nananatili pa. Na nawala na yung kagalakan nila o may mga bagay sa buhay nila na mas mahalaga. Darating din yung panahon na aalis din tayo dito. Kaya habang masaya ka pa at nanaantili ka pa rito, bakit hindi mo subukang gamitin ito upang matuto, lumago, at mas maging mabuting tao.
Alam kong paulit-ulit na ito. Makailang beses na rin akong humingi ng tawad sa iyo. At maraming beses mo na rin akong pinagbigyan at kinalimutan ang lahat ng kamalian ko. Pero ito na naman ako’t binabalik-balikan yung bagay na hindi mo gusto. Yung bagay na ikinalulungkot mo. Yung mga bagay na nakakasakit sa kalooban mo.

Kailangan ko ng tulong mo. Kailangan ko ng patuloy na magtatama sa akin sa lahat ng kamalian ko. Sa lahat ng maling desisyon ko. Sa lahat ng katigasan ng ulo ko.

Kailangan kita sa buhay ko. Muli ay patawarin mo ako.
Habang pinapakinggan ang isa sa mga paborito nating kanta noon ay bigla kang pumasok sa aking isipan. Bumalik yung mga alala ng ating samahan na bahagya ko nang nalimutan.

Naalala mo pa ba yung mga gabing ang ginagawa lang natin ay ang umawit at magkuwentuhan? Nakatitig sa kanya-kanya nating bituin at tila ba kayang abutin ang lahat? Natutuwa akong balikan ang ating mga tawanan, ang ating mga awit na nilikha, at ang salitan ng mga drama natin sa buhay.

Pinag-uusapan natin noon ang lahat. Maging ang mga pinaka-sensitibong mga bagay. Walang itinago sa isa’t-isa at sabay na nag-iiyakan. Tapos ay kukunin ang gitara’t aawit upang mapawi ang nararamdamang lumbay. Iyon yung mga panahon na tila ba wala sa ating makapag-hihiwalay.

Ngunit dumating yung panahon na kailangan na nating magpaalam sa isa’t-isa. Na kailangan maghiwalay ng landas at tuparin ang mga pangarap nang hindi magkasama. At ngayon nga’y may kanya-kanyang mga buhay na.

Ngunit nawala man ang awitin, napawi man ang tawanan, at kahit na ba ang mga kwentuhan ay madalang na lang, ang mga alaala ng nakaraan ay hindi mawawaglit sa aking isipan kailanman.

Tiwala

Kapag lumaki ka na pagmamahal lang ipinaramdam sa iyo, mahirap tanggapin na may mga tao talagang handang saktan ang damdamin mo.

Ilang taon na rin ako dito sa mundo. Dapat ay matagal ko nang nalaman ito. Matagal ko na dapat tinanggap ito sa sarili ko. Na may mga tao talagang manggagamit sa iyo. Na gagawin ang lahat basta ang naisin ay matamo.

Dahil sa mga pangyayari noong nakaraang mga araw ay napagtanto ko ang mga bagay na ito:

* Masama rin ang sobrang mapag-tiwala.
* May mga taong aabusuhin ang kabaitan mo.
* Hindi lahat ng sinasabi at pinapakita ng ibang tao sa iyo ay totoo.

Natutunan kong dapat din palang maglagay ng limitasyon sa pakikitungo sa iba. Na hindi ka dapat magtiwala ng sobra. Lalo na nga kung hindi mo pa talaga kilala.

Gayunpaman, ay dapat na manitili yung isa sa mahalagang bagay na dapat gawin sa pakikisalamuha sa iba ~ yung patuloy na pagtingin sa magandang bahagi ng pagkatao nila.
Kahit gaano pa kasama ang mga naging karanasan mo sa nakaraan, kahit pakiramdam mo ay lagi ka na lang nasasaktan, kahit na ba parang wala sayong nagmamahal, lagi mong tatandaan na nandiyan ang Diyos para sayo. Tumawag ka lamang at sa Kanya ay sumamo.

Biyernes, Hulyo 1, 2011

Hindi yan ginagawa ng isang kristiyano.

Simula pa man noong kabataan ko ay ito na lagi ang bukang bibig ng mga tao sa paligid ko. Bakit kilos, bawat galaw dapat ay naaayon sa kung ano ang sa tingin nila ay tama. Alam ko naman na sa ikabubuti ko din ito ngunit minsan lang ay may mga bagay na hindi ko maintindihan kung bakit naging masama at bawal.

Noong medyo bata-bata pa ako ay hindi ako nae-enjoy ang mga laruan ko. Yung tipong wala pang isang linggo yung pinadalang laruang robot ng lolo ko ay sinira na kaagad ng tatay ko dahil hindi daw iyon magandang paglaruan at matututo lang akong maging bayolente. Ganoon din sa paraan ng pananamit. Kailanman ay hindi kami nakapag-suot ng mga bagay na may bungo, o ano pa mang medyo hindi magandang disensyo.

Gayunpaman, kahit alam kong madalas ay tama sila, ginagawa ko pa din ang sa tingin ko ay tama hangga’t hindi ako lumalampas sa limitasyon ko. Dahil ang pananampalataya naman ay isang relasyon at hindi sa kung ano ang nakikita ng mga tao sayo.
Hindi naman porke’t nabigo ka isang bagay, pag-ibig man, pangarap, o ano pa mang iyong hinangad, ay ibig sabihin noon na nabigo ka na din sa buhay. Balikan mo kung saan ka nagka-mali at gawin itong basehan upang sa mga susunod na desisyon ay alam mo na ang iyong dapat na ihakbang at gawin. Tingnan mo kung ano ang hilig mo, at maging ang mga talentong ipinag-kaloob sayo at sikaping linangin ito. Huwag matakot sumubok. May magandang bagay na nakalaan para sa iyo.
Piliin mong maging masaya. Kalimutan ang mga bagay ng pumipigil upang ika’y maging maligaya. Ibaon sa limot ang hapdi ng nakaraan dulot ng mga bagay na pinagsisisihang hindi mo nagawa at mga bagay na sana’y hindi mo pala ginawa. Lumilipas ang panahon, at ang tanging mapagpipilian mo lang ay ang mawalan ng pag-asa o ang ipag-patuloy na harapin ng may ngiti ang bawat bagong umaga. Magtiwala ka. Kung talagang hindi mo na kaya, tandaan mong may Diyos na laging kang kasama. Tawagin mo lang Siya.
Hindi ko na kaya pang tumakbo mula sa Iyo.
Dahil ang pag-ibig mo ang dahilan kung bakit humihinga ako.
Marami akong pagkakamali.
Maraming naging pagkukulang.
Mga bagay na paulit-ulit Mong pinatawad,
ngunit hindi pa din maiwasan.
Kaya’t salamat sa iyong pagmamahal.
Sa pagpapatawad sa aking mga kasalanan.
Ipinapangako kong hindi na Kita lalayuan.
Isinusuko ko ang aking buhay, 
Sayo lamang ilalaan.