Lunes, Oktubre 31, 2011

Nahahapo,
Hinihingal,
Pinipilit umabot sa iyo.

Nag-aabang
Sumusulyap
Ngunit tila ba ang layo mo.

Umaasa
Nagsusumikap
Na muling mapansin mo.

Ngunit huli na,
Di na nakahabol pa,
Sarado na ang puso mo.

Huwebes, Oktubre 27, 2011

KULANG

Sinungkit ko ang mga bituin
Upang mapatunayan ang pag-ibig ko
Ngunit hindi iyon sapat sayo
Dahil buwan ang siyang hanap mo

Sinisid ang kailaliman ng dagat
Hinamak ko ang lahat
Ngunit balewala lang ang hirap
Sayo ako'y sadyang hindi sapat

Ginalugad ang buong mundo
Hinanap ang magpapaligaya sa iyo
Nagbakasakaling kapag nagawa ito
Magawa ring suklian ang pag-ibig ko

Ngunit kailangan nang matanggap
Na kailanma'y hindi magiging sapat
Sadyang kaibigan lang ako sayo
Mananatili na lang nakatanaw sayo

Miyerkules, Oktubre 26, 2011

Bakit nga ba may mga lalaking NGSB?

- Masyadong mataas ang standard. Mga tipong Anne Curtis ang pinapangarap.
- Pa-chicks. Ang gusto, babae ang lalapit sa kanya.
- Takot o hindi pa ready sa commitment.
- Takot makasakit / masaktan
- Ang hanap sa babae ay yung mga katulad ng nanay nya.
- Focus sa pag-aaral at pagkamit ng pangarap.
- Walang pera. (Ako ito.)
- Masyadong mahal ang sarili.
- At ang madalas, NGSB pa rin ang isang lalake dahil boyfriend ang hanap ni pare.
Hindi mo dapat kainggitan yung mga taong natatamo ang mga bagay na iyo ring inaasam. Sa halip, gawin silang inspirasyon upang sa susunod na pagkakataon ay ikaw naman ang magtagumpay.

Basagulero

Pagkababa ko pa lang sa sinasakyang traysikel ay iba na ang naging kutob ko. Mukhang may hindi magandang mangyayari sa mga oras na iyon. At hindi nga ako nagkamali. Inabangan talaga nila ang pag-uwi ko. Hinintay sa kanto malapit sa bahay namin. Sadyang inabangan ang pagdaan ko.

Hindi pa pala sila tapos. Noong nakaraang linggo ay dinala ang isa kong tropa sa ospital dahil sa labis na pagkabugbog. At mukhang ako naman ang puntirya ng mga loko sa pagkakataong ito.

Nagpatuloy ako sa paglalakad. Nakayuko. Patay malisya. Ang mga kamay ay nakasukbit sa bulsa. Pero kahit nakatungo ay nararamdaman kong papalapit sila patungo sa direksyon ko. Kung tama ang pagkakabilang ko kanina, sila ay nasa pito. Dehado ako. Pero ang nasa isip ko noon ay bahala na't hindi na rin naman ako makakatakbo.

Ilang saglit pa nang ang isa sa kanila ay itinulak ako. Napag-atras sa kinatatayuan pero hindi na nagawa pang maka-buwelo dahil nasundan na agad iyon ng suntok sa mukha. Solido. Pumutok ang labi ko. Doon nag-dilim ang paningin ko dahil iniingatan ko ang mukhang ito. Kahit alam kong wala akong laban ay nakipag-salitan ako ng suntok. Hindi ko na ininda ang sakit sa mga oras na iyon at ang tanging nasa isip ko lang ay ang maka-banat din.

Hanggang sa bigla na lang silang nagtatakbo. Narinig ko ang pito ng tanod na kaibigan ng tatay ko. Tamang-tama ang dating niya dahil alam kong kung nahuli pa ng ilang saglit marahil ako'y nakalupasay na. Lumapit siya at tinanong kung ayos lang ba ako. Tumango. Nagpasalamat at dinampot na ang bag. Iika-ikang lumakad patungo sa bahay namin.

Hapong-hapo ako. Nang makaabot sa tarangkahan ay sumandal muna. Ngunit nakabukas pala iyon kaya't sumagalpak sa sahig ang puwetan ko. Ang sakit. Nagising ang diwa ko. Imahinasyon lang ang lahat. Dulot lang ng mapaglarong isipan ko.

Iniisip ko kung paano kaya kung naging ganito ang buhay ko. Yung laging may takot na abangan ng mga tropa sa kabilang kanto. Kabi-kabila ang bisyo. Tambay lang maghapon kasama ang tropa ko. Magpapakasaya lang. Walang pakialam sa mundo. At least may maikukuwento ako sa mga magiging anak ko. Na astig ang tatay nila bukod sa pagiging gwapo nito. Hindi gaya ngayon na paulit-ulit lang ang nangyayare sa araw-araw. Bahay. Trabaho. Walang thrill. Pero hindi rin, e. Hindi bagay sa itsura ko ang maging basagulero.

Tumayo na ako at pumasok na sa bahay. Sobrang sakit pa din ng puwet ko.
Natutuwa ako sa anak ng boss ko. Ipinag-guhit niya ako at may kasama pang sulat sa likod niyon.


Malapit kasi ako sa batang iyon. Tropa kami at laging magkalaro kapag tumatambay siya dito sa opisina. Magkasundo kami palibhasa'y pang pitong anyos din ang takbo ng utak ko. Kung hindi kami nage-Angry Birds at Bookworm Adventures ay nagdo-drawing kaming dalawa.

Kwento pa ng boss ko kanina ay tinanong daw kung ano ang reaksyon ko noong makita ko at humihiling na maging siya ay ipag-drawing ko. Sabik na sabik daw at hindi pa man ay gumagawa na ng sulat para mag-thank you.

Natutuwa lang talaga ako sa mga ganitong bata. Yung bigla ka na lang maaalala. At gagawa ng isang bagay para mapasaya ka.

Martes, Oktubre 25, 2011

Pasumalang pagbati sa isang kaibigan

Nakatutuwang magkaroon ng kaibigan na labis kang naiintindihan
Isang taong hindi inakalang lubos kang mauunawaan
Na maging ang mga kahinaan mo ay pinagbibigyan
At handang umagapay sa mga panahong ika'y nahihirapan

Noong una pa lang ay alam ko nang magkakasundo tayo
Nabatid nang ang isipan natin ay pareho ng takbo
Na kapag pinagsama ang isang pasumala at isang siraulo,
Ay tiyak na malawakang gulo ang dulot nito sa mundo

Sa iyong kaarawan ay dalangin ko ang kaligayahan mo
Ang mapangyari ang lahat ng hinihiling ng puso mo
Basta sa mga panahon na isang kaibigan ay kailangan mo,
Tandaan na laging nandito't handang tumulong sa iyo.
'Mukha kang Tomboy.'

Makailang ulit na rin akong nasabihan nito. Hindi lang ng mga kakilala ko, ngunit maging ng mga kamag-anak ko. Hindi ko naman lubos na maisip kung papaano at saang parte ng pagkatao ko naging ganoon. Isang bagay na labis na gumugulo sa isipan ko.

Maaari sigurong dahil sa buhok ko na laging mahaba at may ~vOn6g4n6~ bangs dahil kailangan itago ang tatlong pulgada kong malapad na noo. O di kaya ay dahil sa pangangatawan ko dahil karamihan sa mga kaibigan ko na ganito ay medyo kasing katawan ko. O dahil siguro sa kilos ko na malambot na brusko? Ang gulo.

Ang totoo nyan ay nnatutuwa akong masabihan na ganito. Kasi yung mga kakilala ko ay puros mga mabubuting tao. Astig din sila at hindi pa-chicks gaya ko. Karamihan din ay magaganda kaya naman ang haba ng hair ng lolo nyo na masabihan na mukha akong ganito.

Ano ba sa tingin nyo?

Lunes, Oktubre 24, 2011

Nasaan ba ako?
Tila yata naliligaw ako
Hindi ko mamukhaan ang mga tao sa paligid ko
Para bang ako'y isang estranghero

Nasaan ba ako?
At tila ba hindi ako nababagay rito
Kaiba sa kinasanayang mundo
Hindi na makasabay sa agos nito

Nandito pa rin ako
Sa parehong lugar na kinatatayuan ko
Yun nga lang ay marami nang nagbago
At tila yata'y napag-iwanan na ako.

Nandito pa rin ako
Ngunit nasa ibang dako ang diwa ko
Hindi na kasi ako nasisiyahan dito
Ngunit di magawang lisanin ang lugar na ito

Sino ba ang mga ito?
Mga taong nginingitian ko
Sa ilang saglit ay makaka-usap mo
Ngunit agad din namang naglalaho

Ano nga ba ang lugar na ito?
Tila ba ang lungkot ng mga tao
Dahil sa likod ng ngiti ng mga ito
Ay tagos sa mga mata ang durog nilang pagkatao

Nasaan na nga ba ulit ako?
Naliligaw sa lugar na dati'y kanlungan ko
Hindi matagpuan maging ang sarili ko
Kasamang nawala ng galak sa pananatili rito.

Linggo, Oktubre 23, 2011

Naku tsong, hindi ka talaga makakawala diyan sa pagkakagapos mo kung ikaw pa mismo ang naghihigpit ng pagkakatali nito sa iyo.


Kausap ko yung sarili ko kanina. Medyo close kasi kami, e. Sanggang dikit kumbaga. Medyo naiintindihan nya naman ako kahit na ba madalas kaming hindi magkasundo. Dumaan na din kami doon sa point na nagka-pisikalan na pero madali naman iyon lumilipas. Nagkakabati din kaagad. Ganon naman talaga siguro ang mga magkaibigan.

Kanina, pinapagsabihan niya na naman ako. Tumino-tino daw ako. Masyado ko daw kasi kinukulong ang sarili ko sa pagtanggap ng iilang mga tao. Tapos kapag hindi ko nakuha yung gusto ko e sasama ang loob ko. Eh sa una pa lang naman daw ay ako ang may gusto nito. Kasi naman daw ay marami namang mga tao na nandiyan para sa akin pero bakit ba daw kasi pilit kong pinagsisiksikan yung sarili ko sa mga taong may sarili nang mga buhay at hindi naman ako kasama doon.

Alam kong may punto si pare. Pero syempre kahit iyon ang sabi ng utak ko e, iba pa rin ang nasa kalooban ko. Magkaiba yata yun, e. O sadyang siraulo lang talaga ako at mas guto ko itong nasasaktan ako. Sabi nga nila diba, minsan tayo lang naman ang gumagawa ng ikalu-lungkot natin. Siguro nga ganoon ako. Ganoon yung ginagawa ko ngayon sa sarili ko. Siguro nga kasama sa trip ko sa buhay na tingnan yung mga bagay na wala ako.

Aba e, ayos pala itong si pare. Mas masarap kausap kesa sa mga taong nandiyan daw para sa iyo pero hindi naman magawang maipadama sa iyo. Mas madalas ko na ngang kakausapin sarili ko tutal siya lang naman ang may tiyagang pakinggan ako.
Kahit tanggap ko na ang lahat, hindi ko pa rin maiwasan na magselos at masaktan kapag nakikita ko yung mga kwento mo tungkol sa kanya. Kung gaano kayo kasaya at kung gaano mo siya kamahal. Naiisip ko pa rin na sana ako na lang iyon. Na sana ako pa rin yung mahal mo. Na sana walang nagbago at sana ngayon ay masaya pa rin tayo.

Biyernes, Oktubre 21, 2011

Sabi mo walang iwanan
Magkasamang lagi, walang limutan
Sa bawat oras ay laging nandyan
Ano mang pagsubok ay lalampasan


refrain:
Ngunit bakit ngayo'y wala ka na?
Lahat ng sinabi mo'y naglaho na
Nasaan ka,
bakit mo ako iniwan?


chorus:
Bakit ka ganyan, walang isang salita
Sabi mo hanggang pagtanda'y magkasamang nagkakantahan
Bakit ka ganyan, walang isang salita
Sana ngayo'y magkasamang nagkakasayahan



Sinulat namin ang awit na ito noong kami'y nasa kolehiyo pa. Resulta ng kabagutan at inspiransyon mula sa pagbabasa ng Tiktik (isang dyaryong tabloid sa mga hindi nakakaalam). Constancia ang pamagat ng awit na ito dahil iyon ang inaabangang kwento ng tropa ko sa dyaryong iyon. At mahalay din naman kung yung mga gaya ng 'Totoy Jumbo' ang gagawin namin titulo para dito.

Kantahan lang ang libangan namin noon. Songhits lang at gitara, solve na ang gabi ng tropa.

Miyerkules, Oktubre 19, 2011

'Baka naman kasi pa-chix ka masyado, kuya JD.'


Sinabi sa akin ng isang batang naka-usap ko. Para akong binuhusan ng kumukulong tubig. Oo nga naman. Naging masyado nga yata akong feeling chix.
Sabi mo, mahal mo ako 
          pero heto't durog ang puso ko
Sabi mo
, di mo kayang mawala ako, 
          pero ako itong humahabol ngayon sayo

Sabi mo
, hindi mo ko iiwan, 
         pero nasan na ngayon ang pangako mo?
Sabi mo
, hanggang pagtanda to, 
         pero tae naman, bakit ang bilis mong sinukuan ako?

Sabi mo
, balang araw magsasama tayo, 
         pero mukhang magsosolo na lang ako
Sabi mo
, magpakasaya lang tayo, 
         pero paano ako liligaya kung wala ka na sa buhay ko?

Sabi mo
, ayaw mong nasasaktan ako, 
         pero ano ang tawag dyan sa ginagawa mo?
Lahat yan sinabi mo. 

         At ako naman si tangang naniwala sa iyo.
Mamamatay na ata ako. Ewan ko ba. Ramdam ko,e. Maaga ko yatang lilisanin ang mundo. Maraming dahilan, e. Maraming basehan. Nakalmot ako ng pusa, e. At hindi ako nagpagamot. Ngayon sumasakit na ang utak ko. Sabi ng kapatid ko, psychological effect lang daw ito kasi masyado kong iniisip. Pero ewan ko ba. Isama na din itong mga premonisyon na nakikita ko noong mga nagdaang araw na pilit ko lang lagyan ng kaugnayan sa aking nararanasan.

- Noong pinagdasal ng churchmate namin yung pamilya namin, nakalimutan nyang banggitin ako. Pinanalangin nya ang magulang at kapatid ko, pero nakaligtaan ako.
- Noong isang araw, sa unang pagkakataon ay hindi ako nakasama sa lakad ng pamilya. Wala din nga pala akong sariling susi pero meron silang lahat na tig-iisa.
- Ewan ko dito sa isang ito, pero si Given Grace ay anak din ng pastor gaya ko. May isa din siyang kapatid gaya ko. Pilit ko lang na iniuugnay ito.
- Wala na kami. Natapos na ang unang pag-ibig ko.


Basta kung lumipas ang ilang buwan pero buhay pa rin naman ako, laking pasasalamat ko. Kaya ko lang ito isinulat para masabi kong naramdaman ko ito.

Masyado kasi akong mapag-isip. Masyadong malawak ang imahinasyon at laging pinapairal ang emosyon. Sana nga wala lang ito. Sana nga madrama lang talaga ako at sira lang talaga ang ulo ko.
Naiinis ako sa sarili ko. Madami nang nagagalit sa akin. Marami nang naiinis sa akin kahit wala naman akong ginagawa. At lahat yun ay dahil sa pagmamahal ko sa iyo. Dahil sa lintek na pagmamahal na ito. Pero hindi ko magawang magalit sa iyo. Dahil mahal kita. Mahal kita kahit pinaasa mo lang ako. Kahit napako lahat ng sinabi mo. Sabi mo noon wag kitang iiwan dahil di mo kaya. Pero ano? Wala. Tae naman o. Hindi ko na kaya, e. Ayokong umiyak. Dalawang linggo ko na din pinipigil ang luhang ito. Pero di ko na talaga kaya. Kasabay ng sulat na ito ang pagpatak ng mga luha ko. Naiinis ako. Naiinis ako sa sarili ko. Kasi kahit sobrang sakit na, heto pa din ako at minamahal ka ng todo.~

Martes, Oktubre 18, 2011

Noong tinanong kita kung mahal mo pa ba ako at ang isinagot mo ay 'oo naman mahal kita..mahal ko kayo..', alam ko sa mga oras na iyon na tapos na ang lahat. Na magkaibigan na lang talaga tayo. Na wala nang pag-asa pang magkabalikan pa't ipagpatuloy ay pag-iibigang ito. Sinabi ko sa sarili ko na ito na yun. Kasi hinihintay ko lang talaga na sa iyo mismo manggaling iyon. Na hindi na ako magbabakasakali pa kung ma pag-asa pa nga ba o wala na. At least ngayon maliwanag na.

Sabi ko sa sarili ko, sa pagkakataon na ito, sisimulan ko na talagang kalimutan ka. Itutuon muna ang pansin sa sarili dahil noong mga nagdaang mga araw ay sadyang naguguluhan ng sobra. Nagpasya akong tuluyang makalimot na.

Pero kanina pagkagising ko, ikaw pa din ang unang pumasok sa isip ko. Blog mo pa din ang unang tiningnan at binasa ko. Ewan ko ba. Baliw talaga ako sayo. Kahit alam kong hanggang dito na lang ito.

Hindi ko alam kung papaaano makalimot. Ayoko na talaga. Natatakot na nga akong umibig kung lagi na lang na ganito pala. Masakit pala.

Pero wala e, mahal pa rin kita.

Lunes, Oktubre 17, 2011

Mag-aasawa na ako.

Napadaan sa akin yung gm ng isa kong kaklase noong hayskul. Ang sabi nya, '-kainis,kulim2 n..paulan n..magsasam2 n ako ng mga sinampay..'

Napaisip ako bigla. Meron na nga pala siyang sariling pamilya. Inuumpisahan na ang buhay kasama ang asawa't anak niya. Ang totoo nyan e, marami-rami na rin sila. Yun pang mga ni sa hinagap ay hindi mo inakalang sila pa ang mauuna.

Samantalang ako, ni hindi pa nga nagkakaroon ng kasintahan miski isa. Napag-iiwanan na. Ni hindi pa nga ako nakakaranas umakyat ng ligaw. Walang ideya kung ano ang pakiramdam ng lumalakad ng may ka-hawak kamay. Sumubok magmahal pero malabo din naman. Maraming nagpaparamdam pero ang habol lang naman ay ang aking katawan. charot!

Siguro dahil alam ng tadhana na hindi pa rin naman ako handa. Baka kailangan ko muna daw matutong tumayo sa sarili kong mga paa. Kasi nga naman miski nga sarili kong brief hindi ako marunong maglaba. Hindi marunong magtiklop ng kumot at ang kwarto ay laging parang nasa giyera. At bukod pa doon ay hindi pa rin naman papasa ang takbo ng utak ko para sa isang taong pamilyado na.

Binabalak kong lumagay sa tahimik kapag ako'y trenta anyos na. Siguro naman sa mga panahon na yun e, ako ay stable na. May maayos ng trabaho o negosyo at kahit papaano ay may naipundar na. Mas maganda rin siguro kung napatayuan ko na ang nanay ko ng dream house nya. At kapag nangyare na iyon ay doon naman ako magpapatali sa ibang babae na. Yung babaeng magiging nanay ng mga anak ko at habang buhay kong mamahalin ng sobra. At kasama kong itataguyod ang sa pagkakataong ito ay sarili ko nang pamilya.

Pusang Kinalbo

Minsan gusto kong mag-mura. Masubukan lang ba. Ewan ko ba pero para kasing naihahayag mo ng mas maigi yung nadarama mo kapag sinasamahan mo ito ng mura. Para kasing napapanatag yung mga tao pagkatapos nilang daanin sa mura ang lahat.

Pero hindi ako marunong e. Hindi ko kaya. Ewan ko ba. Palibhasa lumaki ako sa isang tahanan na walang nagmumura. Yun bang hindi ka na kailangan pang sabihan na bawal yun sa bahay nyo pero mahihiya ka na lang dahil lahat sila hindi iyon ginagawa. Yun bang tumanim na lang yun sa isipan mo, hindi dahil sa iyon ang sabi sa iyo kundi iyon yung nakikita mong ikinikilos ng mga tao sa paligid mo.

Hindi ako nagpapa-hipokrito. Wala akong sinasabi na kapag nagmumura ka ay masama ka nang tao. Dahil hindi natin pwedeng husgahan ang iba dahil pare-pareho lang naman tayong nagkakamali. Pare-parehong may mga baho at hindi qualified manghusga. Kanya-kanyang trip kumbaga. Pero syempre sa huli, mas maganda pa rin yung trip na nasa lugar. Yung hindi ka makaka-agrabyado ng iba.

Siguro kaya hindi rin ako natuto na magmura ay dahil wala naman akong paggagamitan ng salitang iyon. Sabihin na lang nating marami akong alam na salita para mailabas ang nararamdaman ko maliban sa mura. Katulad na lang ngayon na kung ano-ano ang pinagsasabi ko dahil lang sa may narinig ako kanina na nagmura.

Linggo, Oktubre 16, 2011

Pasensya na kung tila ba nawawalan ka na ng ganang gawin yung bagay na iyong ikinaliligaya. Pakiramdam ko talaga ay ako yung naging dahilan kung bakit mo iyan nararamdaman. Kung bakit ka nababagot na. Eh alam ko namang kaligayahan mo gawin iyan. Pero siguro nga dahil sa akin, sa patuloy kong panggugulo sa iyo, sa patuloy na pagpupumilit na pumasok sa buhay mo, nagiging kabigatan na ako. Pasensya ka na. Mabilis lang talaga akong naniwala noong sinabi mo sa akin na mahal mo ako. Mabilis na nahulog sa iyo dahil sa wala namang hindi magagawang umibig sa taong katulad mo. Pasensya ka na talaga. Nahihiya ako na nakikitang malungkot ang isang taong masayahin lalo na at ako ang dahilan nito. Pasensya na.
Hindi na ako naasa pa na muling maibalik yung pagmamahalan nating dalawa. Tama ka nga noong sinabi mo na mas maigi itong ganito na magkaibigan tayo dahil sa ganito, mas magtatagal tayo. Pero ang nais ko lang sana ay maramdaman muli yung kasabikan mo na makausap ako. Yung makapag-kwentuhan tayo ng matagal kagaya noon. Yung kahit alam kong abala ka sa sarili mong buhay ay naglalaan ka ng oras maka-usap lang ako. Pero kung hindi man, kung hindi na talaga maibabalik pa ay ayos lang. Ang mahalaga ay nananatili sa isipan ko yung mga alaala noong masaya pa tayong dalawa.

Biyernes, Oktubre 14, 2011

Halika nga dito,
Hawakan mo ang kamay ko
Dahil hindi ko man masolusyonan ang problema mo
Asahan mong ligtas ka sa tabi ko

Halika nga dito,
Sumandal ka sa balikat ko
Hanggang sa mapanatag ang loob mo
Kahit magdamag pa tayong nakaupo dito

Halika nga dito
Papahiran ko ang luha mo
Wala man akong magawa para tuluyan mapigil ang pagtulo nito,
Patuloy na maghihintay hanggang sa masulyapan muli ang ngiti mo

Halika nga dito
At hayaan mo naman ako
Kahit sa gabi lang na ito
Ako ang maging kanlungan mo

Huwebes, Oktubre 13, 2011

Minsan nais ko na lang magpaanod sa agos ng mundo
At huwag hayaan ang iba na idikta ang direksyon na tatahakin ko
Magkamali man ako, at magkandalunod dahil sa desisyon kong ito
Ang mahalaga ay nagawa kong lumangoy ng nagsosolo.

Martes, Oktubre 11, 2011

Ipagpaumanhin mo sana, kung kinailangan kong tanggihan ang pag-ibig mo
Hindi kasi sigurado, kung handa nang muli ang puso ko
Ang iniiwasan lang naman ay ang masaktan ang damdamin mo
At huwag magkaroon ng lamat ang pagkakaibigan na meron tayo

Ipagpaumanhin mo sana, kung bakit duwag ako
Natatakot lang kasing maulit ang bigong nakaraang pag-ibig ko
Kasi naman ay kahalintulad niyon ang sitwasyon na meron tayo
At hindi madalas gumagana ang sistemang gaya nito

Ipagpaumanhin mo sana,
kung pagkakaibigan lang ang kaya ko
Dahil mas magtatagal tayo kapag nanatili na lang na ganito
At kahit na ba hindi masuklian ang pagmamahal na alay mo
Laging pakatandaan na labis labis ang pagpapahalaga ko sayo.

Lunes, Oktubre 10, 2011

Lumilipas ang panahon, 
     minsan lang dumaan ang pagkakataon
Kaya't habang may lakas, 

     huwag mag-atubiling bumangon
Habang kaya pa, 

     harapin lahat ng hamon,
Dahil may hangganan ang lahat, 

     gaya ng sa isang lantang dahon

Linggo, Oktubre 9, 2011

Di malulumbay
Lahat ay ibibigay
Tuloy ang lipad

Unfair ang Buhay

-Nakakapag-aral ka kahit hindi ka naman nagse-seryoso.
-Nakakakain ka kahit hindi mo naman pinagpapaguran ito.
-Ang laki pa rin ng baon mo kahit pinangga-gala mo lang kasama ng tropa mo.
-Sumusweldo ka kahit petiks ka lang sa trabaho.
-Wala kang sakit kahit di mo inaalagaan ang sarili mo.
-May pamilya ka kahit di mo nakikita ang halaga nila sa iyo.
-Mahal ka pa din ng Diyos kahit paulit-ulit na lang ang kamalian mo.
-Sinkwenta pa din ang Fishball kahit nagmahal na ang lahat ng presyo.

Ang unfair diba? Nae-enjoy mo yung mga bagay na hindi mo naman deserve na magkaroon ka. Kaya huwag mong tingnan yung mga bagay na wala ka. Tingnan mo yung mga bagay na mapalad kang meron ka at saka ka magpasalamat.

Sabado, Oktubre 8, 2011

Sa tuwing kalooba'y naguguluhan
kalangitan ang siyang pinagmamasdan
Dahil bukod sa taglay nitong kagandahan
Ang dulot nito'y kapanatagan

Biyernes, Oktubre 7, 2011

Laruang Robot

Noong isang araw ay may nagtanong sa akin kung gagawa daw ba ako ng tula para sa Saranggola Blog Awards. Wala akong ideya masyado dito maliban na lang sa alam kong pagbibigay parangal ito sa mga natatanging blog.

Kaya't nagbasa-basa ako. Binasa ng maigi kung papaano. At kahit papaano ay nahikayat ang sarili na subukan ko. Pero noong nagsisimula na akong gawin ang sana'y entry ko, naisipan kong basahin ang ginawa ng iba pang lumahok dito. Nawindang ako. Nagulantang ang buong pagkatao. Ang huhusay. Wala akong panama sa mga ganito. 'Asa pa ko.' Ang tanging nasabi ko na lang sa sarili ko. Kaya ipagpapaliban ko na lang ang kalokohang balak na ito.
Sagipin mo ako mula rito
Hilahin mo papalapit sayo
Igapos mo sa mga bisig mo
Upang maramdaman kong ligtas ako

Dahil ngayo'y sadyang di mapakali
Natatakot sa mga maaaring mangyari
Pilit mang ikalma ang sarili
Sadyang takot ang namamayani

Ang lahat ay lumilipas
Maging ang mga dahon sa puno ay nalalagas
Walang makaliligtas
Lahat ay maagnas.

Huwebes, Oktubre 6, 2011

Tara, tumakbo!
Pansamantalang iwan ang mundo
Subukan makalayo mula rito
Umiwas muna, magpakalayo-layo

Tara, tumakbo!
Hanggang sa mapagod tayo
Kahit na ba maubos ang lakas,
Huwag lang manatili rito

Tara, tumakbo!
Kahit hindi alam kung saan tutungo
Basta ayoko muna dito
Kailangan kong takbuhan lahat ito

Tara, tumakbo!

Miyerkules, Oktubre 5, 2011

Blog Hopping

Kinagigiliwan ko ngayon ang pagba-blog hop. Itinuro sa akin ito noong isang madaling araw ni Ms. Monik (Abakadamachine)dahil pareho kaming mga panggabing nilalang. Ang dami kong natutunan mula sa kanya. Mula sa mga terminolohiya at sa kung papaano ko pa mapapabuti ang aking pagba-blog. At doon niya nga nabanggit ito.

Ang totoo nyan e, hindi pa nga maituturing na blog hopping ang ginagawa ko ngayon. Ang sabi kasi sa Urban Dictionary, ang Blog Hopping daw ay 'hindi lang pagsu-surf sa net at pagbabasa ng ilang mga blog kung saan saan. Ang Blog hopping ay kapag nakakita ka ng ilang mga blog na sa tingin mo ay talagang kewl, na isinulat ng mga taong maaari mo talagang nakakaugnay at binibisita mo ang mga ito ng regular. Ang mga tao na ito ay nakakaramdam ng isang espesyal na pagsasamahan patungo sa bawat isa kaya't palagian silang bumibisita at nagbibigay komento sa mga blog sa kani-kanilang mga grupo araw-araw.'

Ang tangi ko pa lang nagagawa ngayon ay ang pagbabasa at pagbisita sa mga paborito kong blog. Hindi ko pa magawang mag-iwan ng komento dahil wala pa akong lakas ng loob. Nangangapa pa kumbaga. Pero sobra ko talaga itong kinagigiliwan. Siguro sa mga susunod na araw ay magagawa ko na din maki-halo at maki-gulo.

Martes, Oktubre 4, 2011

Ang nais ko sana ay ang tumandang kasama mo.
At magkasama nating harapin ang lahat ng hamon ng mundo
Ngunit kapag dumating na iyong araw na ako'y iwan mo,
Asahan mong mananatili ang walang hanggang pag-ibig ko sayo.
Ang sarap pakinggan ng huni ng mga ibon
Habang ang mga mata'y hindi pa nakamulat,
at hindi pa nagsisimulang bumangon
Kakaibang kapanatagan ang tila ba nito'y naidudulot
Upang nakangiting harapin ang mga bagong hamon.

Linggo, Oktubre 2, 2011

Hindi mo pwedeng ipagsiksikan ang sarili mo sa isang tao. Iyan marahil ang nais isuksok sa kukote ko ng mga pinagdadaanan ko nitong mga nagdaang araw. Ilang taon na din ang nagdaan noong huli ko itong maramdaman. Yung masyadong mapalapit sa isang tao kaya nahihirapan akong siya'y bitiwan. Napagtanto ko lang ngayon na hindi nga siguro ito pagmamahal. Siguro nga ay naghahanap lang ako ng nakatatandang kapatid o isang maaasahang kaibigan. Inakala ko kasi na ito na iyon. Kaso nagmadali ako. Binigyan ko ng kahulugan lahat ng ito. Kaya ngayon ay nasasaktan ako. Pero ang mahalaga naman ay natuto na ako. May natutunan ako. May naidulot din naman sa akin ang tatlong buwan ng dramang ito. Tara, takbo~
Pasensya na kung kinailangan kong gawin ito. Na mas pinili kong lumayo at alisin sa buhay ko ang lahat ng may kinalaman sa iyo. Para kasing hindi ko kaya yung sinasabi mo na mas magtatagal tayo kung magkaibigan na lang tayo. Para kasing hindi iyon ang nakikita ko. Ewan ko ba kung masyado lang akong emosyonal kaya ganito. Nakikita kasi kita na nandyan pero di mo man lang magawang kausapin ako. Ewan ko. Basta ang alam ko ay nasasaktan ako sa mga oras na ito. At gusto ko nang mawala ang kung anoman itong nararamdaman ko sayo. Sana nga magawa kong matanggap na magkaibigan na lang tayo. Pero kung hindi ay tuluyan na talaga akong lalayo. Tuluyan nang mawawala sa paningin mo.
Ganito pala ang pakiramdam. Ng sa unang pagkakataon ay maranasang iwanan. Hindi naman pala ganoon kasakit gaya ng sabi nila. Ang totoo nyan e, para rin pala itong yung nararamdaman mo noong bago mo pa lang na iniibig sya. Lagi siyang nasa isipan mo at iniisip yung mga bagay na pagsasamahan nyo. Pero ang pinagkaiba lang e, ang tanging nasa isipan mo ngayon ay iyong pagbabalik-tanaw sa mga masasayang alaalang pinagsamahan nyong dalawa. Siguro ay ilang araw pa bago mawala itong ganitong pakiramdam. Ilang araw pa para matanggap na ang lahat ay wala na ngang pinatunguhan. Pero makalimot? Hindi ko alam. Parang ayoko. Kasi kahit hindi nagtagal ang pagmamahal na ito, kahit nagkahiwalay na tayo, sa huli ay naging masaya ako sa lahat ng pagkakataon na magkasama tayo. Hindi ko pinagsisisihan na hinayaan kitang maging bahagi ng buhay ko kahit sa oras na ito ay labis na nasasaktan ako.