Sabado, Hunyo 23, 2012

Fliptop

Sa patagisan ng salita, labis ang paghanga; mga idol.
Hindi alam kung saan hinuhugot. ‘pag nagsalita, hanep, walang kagatol-gatol.
Sa husay nyong bumanat, hands down, daig pa si senador miriam defensor
Sa sobrang pagtingala, ipagpapatayo ng bantayog. Kahit ako pa ang iskultor.

Pero hindi naman sa pakikialam, mga pare, ito lang naman ay isang katanungan.
Dapat ba talagang sa ganitong labanan, pagkatao ay yurakan? Inam.
Syempre’t ito’y laro lang, hindi pwede ang pikon, walang kimkiman.
Naisip ko lang naman, diba’t ang mga salita, biro man, kayang wasakin ang ating katauhan?

Sa huli, syempre, mind your own business, kanya-kanyang trip yan.
Sang-ayon naman din tayo na ito na nga ang makabagong balagtasan.
Kaya’t bukod lang talaga sa maduduming salita na maaring makaimpluwensya sa mga kabataan,
Walang masasabi, tikom ang bibig, saludo sa inyong kahusayan.

Linggo, Hunyo 10, 2012

Frère

Nagkatagpo sa hindi inaasahang panahon
Pinaglapit ng pagkakataon
Puno ng ngiti habang nililingon
Mga alaalang pinagsamahan natin noon

Naalala mo pa ba?
Noong una tayong nagkakilala
Agad nagkasundo
Nagkapalagayan,
Dahil sa mga pagkakatulad nating dalawa.


Sabi pa nga nila,
Hindi daw nagkakalayo ang ating itsura
At doon na nga nagsimula
Na maging magkapatid ang turing sa isa't-isa

Nais ko sa iyong magpasalamat.
Sa kabutihan,
Sa pagiging tapat na kaibigan,
At sa pag-intindi,
Kahit na ba maging sarili ko'y
Hindi ko rin madalas na maunawaan

Sa pakikinig,
           kapag wala na akong matakbuhan
Sa mga payo,
           kapag ang dapat gawin ay hindi na alam
Sa pagpaparamdam
           na ako'y pinapahalagahan,
Salamat,
           kaibigan.

Hindi man laging maayos ang lahat
Inakala noon na ang pagkakaibigan
                  ay magkakaroon ng lamat.
Ang mahalaga'y iyo'y natapos na
At ang pagsasamahan nati'y naisalba

At sa huling saknong ng tulang ito
Nais kong malaman mo
Na sa ayaw mo man at sa gusto,
Wala ka nang magagawa,
Dahil ako'y panghabang-buhay na kaibigan mo





Sabado, Hunyo 9, 2012

Minamahal kita,
Sinasamba kita.
Sa aking buhay
ay Ikaw ang siyang
Nagbigay kahulugan.
Minamahal,
Sinasamba kita
Hanapin
      mo ako.
            Subukan
      mong
matagpuan
      ang
             tahanang
      kumupkop
sa akin
      noong
             ako'y
      iniwan mo.
Noong
      bigla
             mong
      nakalimutang
bahagi
      ako ng
             buhay mo.
      Hanapin
mo ako.
Para 
akong 
dayuhan 
sa sarili 
kong 
tahanan. 
Wala na 
namang 
nakakakilala. 
Walang 
nakakaalala. 
Balik 
na naman 
sa umpisa 
kung 
saan 
ako 
lamang 
mag-isa. 

Biyernes, Hunyo 8, 2012



Nagkamali ako ng dyip na nasakyan.
Ang byahe ko tuloy ay napatagal.
Ngunit nawala lahat ng inis
Nang ikaw na'y masulyapan.
Sadya akong pumuwesto sa dulo
Para mas masulyapan ang mukha mo
Ngunit laking gulat ko
Nang umusod ka sa harapan ko
Mas lalo kitang nakita
Sinaulo ang bawat bahagi ng maganda mong mukha
Ang iyong mapungay na mga mata
Ang mapula mong labi
na kaakit-akit habang sumasabay
sa saliw ng musikang iyong pinakikinggan.
Wala na akong pakialam
Kahit alam kong ako'y iyong nakikita
Kailangan ko itong isamantala
Dahil alam kong ito ang una
at huli nating pagkikita.

Miyerkules, Hunyo 6, 2012

'Bakit hindi na kita madalas na makita?'
        Ang tanong niya.
Ngunit isang ngiti lamang
        ang sagot na kanyang natanggap.
'Aalis ka din ba gaya nila?

'Matagal na ako umalis. 
        Noon pa ako nawala,
             kahit patuloy mo akong nakikita.'
Sinadya kong bagalan ang aking paglakad
Ninanamnam ang bawat hakbang sa daang binagbagtas
Gaya ng nakikita sa mga pelikula,
Kung saan ang bida ay mag-isang nagda-drama

Ito na nga ang huling pagdaan ko sa kalsadang nakasanayang lakaran sa loob ng dalawang taon. Ang huling pagkakataon para sa ilang minutong malayang pag-iisip pagkatapos ng nakakapagod na maghapon. Hindi ko alam kung mayroon ganito sa patutunguhan ko. Yung pagkakataon na mapanatag ang aking isipan; hindi pansin ang mga ingay at gulo.

Martes, Hunyo 5, 2012

Natatakot ako. Hindi lang sa kung ano ang mga haharapin sa patutunguhan, ngunit maging sa kung anong mangyayari sa aking maiiwan. Alam kong hindi naman ako magiging isang malaking kawalan. Na gaya ng iba, masasanay din ang lahat at ako'y unti-unting makakalimutan. Pero kung ito naman ay para sa ikaaayos ng lahat, at sa ikapapanatag ng ng maraming kalooban, handa na akong lumisan.
'Bakit bigla kang nawala?'
             biglang tanong niya.

'Nawala saan?'
ang balik kong tanong
             na may pagtataka.

                           'Sa akin.'

'Ngumiti ka.'
ang sabi niya.
'Mas magiging madali ang lahat,
kapag mas maaga mong natanggap.'

At muli,
ako'y bumuntong-hininga. 


Linggo, Hunyo 3, 2012

'Isang linya.'
Ang sabi niya.
Nangingilid ang luha.
Ngunit halata ang tuwa.
'Totoo?'
Ang tanging naisagot ko.
Dahil ilang minuto ding puno ng takot at kaba.
Tumango siya.
Isang malaking ngiti,
sa akin ay nakita.
Sa oras na iyon,
Nangako sa sarili na hindi na.
Hindi na muling magiging mapusok pa.

Biyernes, Hunyo 1, 2012

Hindi ko na napigilan ang pagpatak ng mga luha at maging emosyonal. Hindi ko kasi matanggap na mismong sa inyong bibig manggagaling ang panghuhusga. Na kayo pa itong kumukuwenstiyon sa aking kakayahan at pagsisikap gayung kayo dapat ang unang magpapalakas ng aking loob upang pagsubok na ito ay makayanan. Ang dapat sana'y nagtitiwala sa akin ng walang alinlangan.
Dali-dali akong tumakbong papalabas ng ating bahay habang kayo'y nagsasalita hindi dahil sa wala akong respeto gaya ng inyong inaakala. Pinili kong umalis dahil ako'y mapagmataas at hindi ko gustong marinig ang aking kamalian. Dahil alam ko na naman. Alam kong sa pagkakataong ito ay mali ako at aminado naman ako dito. Ngunit alam din ninyong mas gusto kong hinaharap ang problema ng mag-isa. Na hindi ko gustong ako'y pinapakialaman. Dahil kaya ko naman, diba? Ilang beses ko na din iyang sa inyo'y napatunayan.

Habang naghihintay ng masasakyan ay may dalawang bata na napadaan sa aking harapan.
Bata 1: Nakasakay ka na diyan? (Nakaturo ang Bus na de-aircon na kadadaan lang.)
Bata 2: Oo. Sumusuka nga lagi ako diyan.
Bata 1: Talaga? Ilang beses na?
Bata 2: Marami na! Hindi na nga mabilang, e. 
Ang sarap muling maging bata. Ang sarap sarap balikan ang mga panahon na ikinatutuwa mo na ang pagkakaroon ng mga simpleng bagay. Ng simpleng buhay. Hindi iniisip na sa paglipas ng panahon ay mawawala nang lahat iyon