Biyernes, Enero 20, 2012

Hindi ko na kaya

Nakikita ko sila. Hindi ko mapigilang maluha. Sobra sobra ang pagiging in love. Sobra sobra ang pagmamahal na nadarama. Ako yun e. Ako yun dati. Ako yun nung hindi pa ako nagpapatalo sa kahinaan ko. Noong mga panahon na sobra sobra ang pag-ibig ko Sayo.

Ginawa ko nang lahat para masabi ko sa sarili ko na okay lang ako. Patuloy pa din ako sa pagse-serve Sayo. Tumutugtog, umaawit, sumasamba gaya ng gusto Mo. Pero may mali e. May kulang. Kasi I know deep inside na hindi tama ang puso ko. Na kahit ginagawa ko ang lahat ng ito alam ko hindi Kita naitatas sa buhay ko.

Kasi pagkatapos ng lahat ng awitan, ng sayawan, pagkatapos ng araw ng linggo, babalik na naman ako sa mga maling gawain ko. Parte na naman ako ng mundo.

Hindi ko na po kaya. Ang bigat bigat po sa loob na alam kong ang layo layo ko na sa inyo. Tulungan nyo po ako. Itayo nyo po ako sa pagkakalugmok na ito. Kasi alam kong kung wala ang tulong nyo, hindi ako makakawala sa pagkakagapos ko dito.

Gusto ko na pong bumalik sa pagkakahawak Niyo. Yakapin Nyong muli ako. Tulungan nyo po ako.

Huwebes, Enero 19, 2012

Nais ko sanang sabihin sa iyo na lagi lang akong narito. Hindi ko lang ito masabi ng diretso kasi ay nahihiya ako. Hindi rin naman ako yung tipong pala-salita kasi nga pareho tayong boring kausap diba? Pero kahit ganoon ay nais ko lang malaman mo na totoo akong kaibigan sa iyo. Mawala man iyong mga kaibigan mo ngayon, asahan mong narito ako. Sana huwag mong isipin na huwad lang ang lahat ng pagkakaibigan na nabubuo dito sa iniikutan nating mundo. Kasi nandito ako para sa iyo. Nandito ako bilang kapatid mo. Gaya ng dati. Gaya noong dalawa pa lang tayo.

Biyernes, Enero 6, 2012

Ang hirap kasi sa atin ay mas nakikita nating yung kasiraan ng iba kaysa sa mga mabuting nagawa niya. Na tila ba parang balewala na lang lahat ng magandang bagay na noon ay ginawa nya dahilan sa isang kamalian niya. Sanay na sanay tayong mang-dusta. Sanay na sanay manghusga. Sanay na sanay magturo na para bang walang maling nagagawa.

Ayoko sa lahat yung Plastik

Simula noong pumasok ang taon, sinimulan na ding ipagbawal ang plastik dito sa bayan namin. Noong una ay wala lang akong pakialam, pero noong mga nagdaang mga araw ay nagsimula na itong maging bukang bibig ng mga tao sa paligid ko.

Mukhang maliit na bagay lang naman ito pero parang napaka-komplikado. Halos lahat ay apektado. Nagdadala na kami ngayon ng sariling baonan dahil hindi na kami pinagbebentahan kapag wala kaming sariling lalagyan. Maging sa mga mall, grocery at fast food na kainan.

Iniisip ko lang kung papaano kaya yung mga bigas? yung karne? isda?mga ulam? Kung walang plastik, ano kaya ang kanilang paglalagyan?

Pero sa totoo lang, ito yung tanging pinatupad sa bayan namin na labis kong nagustuhan. Kasi kahit papaano ay makakatulong ito sa kalikasan. At kahit nakakapanibago, darating yung panahon na masasanay din naman.

Huwebes, Enero 5, 2012

Madalas pinipili kong manahimik na lang. Lalo na kapag ang isang bagay ay alam kong hindi ko naman masu-solusyonan. Ayoko nang pinapalaki ang isang bagay. Ayoko ng mahabang paliwanagan. Hinahayaan na lang kung ano ang iisipin ng iba o kung ano ang kanilang magiging husga. Pero hindi naman nangangahulugan iyon na wala akong pakialam. Mas minamabuti ko lang talagang umiwas dahil madalas na masyado akong emosyonal. Ayokong makapag-bitaw ng mga salita at makasakit lang ng damdamin ng iba. Mas komportable akong ang lahat ay sarilinin na lang. Na manahimik na lang.

Miyerkules, Enero 4, 2012

Hindi Kita Iiwan

Umiiyak ka na naman mahal
Lagi na lang ika'y nasasaktan
Sabi niya
Di ka iiwanan
Ikaw ay nabigo
Kayo'y nagkalayo

Ako'y nahihirapan
Pag ika'y nasasaktan
Kung pwede lang naman
Sa akin ka nalang

Hindi kita iiwan
Hindi pababayan
Sa akin ay hindi ka iiyak na kahit minsan
Hindi kita iiwan
Hindi pababayaan
Hinding hindi ka sasaktan
O' akin ka nalang
Hindi kita iiwan

Martes, Enero 3, 2012

Sa tula na lang idaraan

Hindi naman talaga manhid
Mas pinipili lang talagang tumahimik
Dahil ang tangi lang naman na ninanais
Ay isang mapayapang paligid

Hindi ka binabalewala
Sadyang umiiwas lang sa lahat ng drama
Kaya anumang iniisip ay iwaksi mo na
Isang kaibigan ang turing sayo talaga

Wala naman kasing dapat ikaiwas
Sadyang may bagay na ang paniniwala'y taliwas
Ang kailangan lang ay umunawa
Dapat lang na marunong magparaya.

Lunes, Enero 2, 2012

Hindi iiyak
Kahit pa puso'y wasak
Ngiti, ngiti lang.

Malaya ka na

Bigla na lang pumatak ang mga luha
Magkahalong lungkot at tuwa
Galak, dahil ikaw na ngayo'y malaya
Lungkot, dahil ako'y nakabulid pa

Naaalala mo pa ba?
Noong sabay nating hinaharap ang problema?
Hindi alam kung saan magsisimula
Pero hinarap lahat ng magkasama

Ngunit nagulat na lang isang araw
At tila ba nagiging mailap ka
Ang ikinatatakot ay nangyari na nga
Nang ikaw nga'y nagpaalam na.

Madalas pa rin naman tayong magkita
Ngunit lahat na nga ay nag-iba
Na tila ba hindi magkakilala
Na ang lahat ay balewala na

Kaya nga nang aking marinig ang balita
Ay labis labis ang aking pagkatuwa
Sa wakas, ikaw na ngayo'y malaya
At magagawang makalipad na

Kahit ako'y nananatili pa rin dito
At ang tanging mamagawa lang ay tumanaw sayo
Lagi lang nakaantabay sa pagbalik mo
Sa oras na mapagod ang mga pakpak mo.
Bigla na lang pumasok sa isipan ko na wala pa nga pala akong kongkretong plano sa buhay. Bente uno anyos na nga pala ako. Hindi na bumabata. Ang dami ko pang gustong gawin pero nalilimitahan ng kawalan ng direksyon at katamaran. Meron akong maayos na trabaho sa ngayon pero hindi ko nakikita ang sarili na mananatili rito ng mahabang panahon. Ewan ko ba. Gusto kong umalis dito. Ayokong manatiling sa kung ano ako ngayon. Pero hindi pa sa ngayon. Hindi pa pwede ngayon.