Miyerkules, Agosto 29, 2012

Ito yung dahilan kung bakit nakakatakot ang mundo
Magkamali ka lang ng isa, tatalikod na ang lahat sa iyo
Ito yung dahilan kung bakit hindi ka dapat lubusang magtiwala
Kapag wala na sayong pakinabang, iiwan ka na lamang bigla

Lahat tayo ay nagkakamali, sadya man ito o hindi
Aanihin natin ang bunga ng maling desisyon na ating pinili
Lahat tayo ay may baho na hindi kailanman maitatago
Walang sino mang malinis, wala tayong karapatang magturo

Hindi mo pwedeng sisihin ang iba kung biguin ka nila
Matagal nang ganyan ang takbo ng mundo, dapat ay alam mo na
Lahat tayo ay mayroong kanya-kanyang hinaharap na laban
Hindi ka pwedeng umasa sa iba na mayroon sila sayong pakialam

Magaling tayong magsalita kapag may kakamping nakikita
Lumalabas ang katapangan sa likod ng anino ng iba
Lumalakas lamang ang loob kapag ang kalaban ay mahina na
Pagkawasak ng kanilang mundo, atin pang ikinaliligaya

Sa huli, kung hindi naman tayo ang tuwirang sinaktan
Huwag na tayong umastang masyado tayong naaapektuhan
Tama ngang maibunyag ang mga nagawang kamalian
Pero dapat ba talagang ang isang taong lugmok ay patuloy na tapakan?

Mahirap na tuloy malaman kung sino ang tunay na kaibigan
Nakakatakot nang pumili kung sino ang dapat na pagkatiwalaan
Dahil sila, na inaakala mo na palagiang naririyan
Ay sila pang unang sayo’y uusig sa oras ng kagipitan

Linggo, Agosto 12, 2012

Ikampay mo ang pakpak at subukang lumipad
Alisin ang anumang takot na sa iyo’y bumabagabag
Palayain ang isipan mula sa kung anong humahadlang
Upang ikaw ay tuluyan nang sa kalawaka’y pumailanlang

Doon sa himpapawid ay patuloy lang na kumapit
Dahil marahas na hangi’y ibabagsak ka nang pilit
Iligtas ang sarili sa hampas niyang nagngangalit;
Mula sa taglay niyang lakas at tindi ng hagupit.

Kung sakali mang ikaw nga’y bumagsak
At tuluyang biguin ng iyong mga pakpak
Pakatandaan na hindi iyon sapat
Upang ika’y sumuko at iwanan ang lahat.

Dahil ang paglipad ay ang iyong tadhana
Ang siyang dahilan ng iyong pagkakalikha
Kaya’t anong pagsubok man sa iyo’y umantala
Darating ang oras na makalilipad din ng malaya