Huwebes, Hunyo 30, 2011

Nakasulyap sa bintana, hinihintay ang iyong pagtila. Inaasam ang pagsikat ng araw na maghuhudyat ng panibagong umaga.

Hanggang ngayon ay hindi ko pa rin mawari ang aking nararamdamang kabigatan sa tuwing ika’y nandiyan. Ang presensiya mo ay tila ba nagbibigay sa akin ng ‘di mailarawang kapighatian.

Ngunit ano mang pilit na itanggi ay alam natin pareho na ang kalungkutang ito ay hindi dahil sa iyo. Ang nararamdamang ito ay dahil sa katotohanang sa buhay na ito ay nag-iisa ako. Na sa mga ganitong pagkakataong kailangan ko ng pag-yakap, ng paglingap, ng magpaparamdam sa akin ng pagmamahal na tapat, ay wala akong matatawag na kung sino. Na nananatili pa ring nandito’t naninibugho’t patuloy na namimighati ang aking puso.

Kung kaya hangga’t hindi pa rin dumarating iyong araw na ako’y umibig na, ang bawat pagpatak mo ang sa aki’y magpapaalala ng aking pag-iisa.
Dear Future Girlfriend,

Hindi ko alam kung kailan. Hindi ko alam kung sa papaanong paraan. Hindi ko rin nalalaman kung nagtagpo na ang ating landas o kung ang kwento natin ay isinusulat pa lang ng nasa Itaas. Pero alam kong kapag dumating na iyong panahon, na itinakda ng tadhana na sa wakas tayo ay magkakilala at maramdaman kong ikaw na nga, asahan mong ipadarama ko sayo ang pagmamahal na wagas. Hindi man perpekto ang pag-ibig ko. Madalas man ay magkakamali ako at minsan ay magkakagalit tayo, asahan mong hindi ako titigil sa pagmamahal sa iyo. Basta’t patuloy ka lang kumapit at huwag magsawang hawakan ang mga kamay ko~

JD

Phone Pal

Naalala mo pa ba iyong mga panahon na pagkauwi pa lang galing sa eskwela ay telepono na ang hawak at tayo'y magkausap na? Na ilang oras tayong magk-usap at walang pakialam sa mga bagay-bagay. Pero pagpasok sa klase ay halos hindi tayo magka-kilala. Ang ating mga tawanan, iyakan, asaran at mga kwentuhang madalas ay nagiging paulit-ulit na lang ay sariwa pa rin sa aking isipan.

Terd yir tayo noon. Katorse anyos pareho. Pero noong mga oras na iyon ay tila ba sa atin ang mundo. Sa iyo ako naka-tagpo ng isang taong makata-tanggap sa akin sa kung ano ang mga kahinaan ko at sa kayang pakinggan lahat ng hinaing ng puso ko.

Alam mong sobrang hanga ako sa katatagan mo. Na kahit malaki yung problemang hinaharap mo noon para sa mga batang katulad natin ay tila ba panatag ka lamang at tila ba walang dinadalang kabigatan. Sayo ko natutunan na sa pagharap sa pagsubok ay ngiti ang unang panlaban.

Sa sumunod na taon ay hindi na tayo naging magkamag-aral. Nabawasan na din yung dalas ng tawagan. At dumating na nga yung kinatatakutan kong panahon na ang usapan natin ay maging madalang na lang. Naging abala na tayo sa kanya-kanyang buhay at hindi na gaanong nagkaka-usap pa. Makapag-kwentuhan man ay minsanan na lang at madalian pa. Pero ganon pa man ay lagi kong ipinagpapasalamat na nandiyan ka, na nakatagpo ako sa iyo ng panghabam-buhay na kaibigan.

NGSB

Banyaga sa akin ang pakiramdam ng may minamahal. Ang pakiramdam ng may kayakap, ka-hawak ng kamay, kaharutan at lahat pa ng mga bagay na ginagawa ng magkasintahan.

Madalas pinipilit ako ng utak ko na subukan. Sinasabi sa sarili na walang namang masama at mawawala kung sakali man.

Pero pinili kong maghintay, e. Na hindi maghanap. Na hayaan na lang ang panahon na magtakda kung meron man.

Dahil takot akong makasakit. Takot akong masaktan. At higit sa lahat, takot akong hindi maging sapat. Dahil alam kong marami akong kakulangan. Mga isyu sa nakaraan na kailangan pang harapin at makalimutan.

Pag-ibig? Saka na muna yan.
Yung ideya ng pagtanda ng mag-isa. Ito yung isang bagay na aking ipinangangamba. Yung pilit kong iwinawaksi sa aking isipan at pilit hinihiling na huwag naman sana. Ayos pa ngayon na ako’y medyo bata pa, malakas at kaya pang mamuhay ng nag-iisa. Ngunit paano na kung umabot ako sa edad ng singkwenta o mas matanda pa? Tawagin ninyo na akong duwag ngunit ayokong tumanda ng walang kasama. Alam ko sa sarili kong hindi ko makakaya.

Hindi ko na mahintay ang pagtanda kasama ang taong aking iibigin. Ang pag-taguyod sa aming tahanan ng magkaagapay at magka-piling. Ang magkasamang pagpapalaki sa aming mga supling. At ang magkahawak-kamay na pagharap sa mga pagsubok na tatahakin. Ngunit higit sa lahat ay ang pagmamahal ng tapat sa isa’t-isa hanggang sa bawiin na ng Maykapal ang mga buhay namin.
Ang dami kong pagkukulang Sayo. Ang daming pangakong napako at maraming beses na kitang binigo. Ang daming kalokohang pinaniwala kang hindi na uulitin pa ngunit patuloy na nagiging marupok at paulit-ulit pa ring ginagawa.

Alam mo kung gaanong nabibiyak ang puso ko sa tuwing nagkukulang ako sa iyo. Hindi dahil sa magagalit ka, ngunit dahil sa alam kong handa mo akong patawarin, dahil alam kong handa mo akong bigyan ng isa pang pagkakataon, na patuloy mo akong mamahalin, at iyon ang ikinahihiya ko sayo ngayon.
Alam mo ba yung pakiramdam na tila ba lahat ng tao sa paligid mo, yung mga kaibigan at minamahal mo, ay patuloy na umuusad ang buhay habang ikaw ay patuloy pa din nananatili sa kinatatayuan mo?

Napapaisip lang ako minsan tungkol sa bagay na ito. Karamihan sa mga kaibigan ko ay unti-unti nang tinutupad yung mga pinangarap namin noon. Yung iba naman ay nagkamali ng desisyon. Na maagang hinarap ang hamon ng pagkakaroon ng sariling pamilya, ngunit tila ba mas tumibay pa sila sa ngayon. Lahat sila ay hindi natakot sumubok. Matapang na hinarap ang lahat ng dumating na hamon. Habang ako ay nananatiling duwag. Nananatiling takot. Nananatiling bihag ng kung ano ako noon.

Pinipilit ko ang sarili na ang tawag dito ay pagiging kontento. Pero minsan ay naiisip ko na baka niloloko ko lang ang sarili ko. Na marahil ay panakip butas lang ang sinasabi kong pagiging kontento upang maitago ang karuwagan ko. Ang takot na mabigo na namang muli at masaktan ng todo.
Kanina ay lugmok na lugmok ako. Wala sa sarili at sobrang tuliro. Habang naglalakad-lakad ay bigla kang pumasok sa isipan ko. Ang isang taong alam kong makapag-papanatag ng kalooban ko.

Nagtuloy-tuloy sa paglakad, hanggang sa bahay nyo ay natapat. Nagdadalawang-isip kumatok nahihiyang baka ang iyong ina ang lumabas. Nang nagkaroon na ng sapat na lakas ng loob, kumakabog ang dibdib na kumatok. Ngunit nawala ang pangamba na ikaw ang nasilayan ko.

Hindi nga ako nagkamali. Ang lahat ng kadramahan ko ay sa iyo ko lang naibabahagi. Kahit walang kwenta pa ang usapan natin. Kahit wala ka mang magandang payong ibinibigay sa akin, sapat nang nandiyan ka at alam kong ika’y handang makinig sa aking mga hinaing.

Salamat. Hindi ko ito nasasabi sa iyo palagian. Ngunit alam kong alam mong isa ka sa mga mahahalagang tao sa aking buhay. Kailanman ay hinding-hindi kita malilimutan.
Sa kadilimang ito,
liwanag mo ang aking hanap.

Kailangan kong madama ang pagmamahal mo’t paglingap.


Sa kadilimang ito,
pagyakap mo ang aking asam,

Na sa tuwina’y nagbibigay sa akin ng panibagong kalakasan.


Sa kadilimang ito,
ikaw ang aking patnubay.

Ang nagbibigay direksyon sa tila wala nang pag-asa kong buhay.
Kahit ano pa yung kakulangan mo, hindi iyon hadlang upang tuparin yung mga ninanais ng iyong puso. Hindi iyon hadlang upang hindi mapangyari ang mga pinangarap mo.

Huwag mong intindihin ang sasabihin ng iba. Madalas ay ibabagsak ka lang nila. Madalas ay sasabihin lang nila na wala kang magagawa at hindi mo kaya.

Magtiwala ka sa sarili mo. Gawin ang lahat ng magagawa mo. Sundin ang ikaliligaya mo't alam mong ikabubuti mo. Maikli lang ang buhay. Lubusin mo ito.
Sa mga ganitong pagkakataon masarap alalahanin ang nakaraan. Sa mga ganitong oras masarap balikan ang alaala ng ating kamusmosan.

Yung mga panahong ang iniisip mo lang ay kung ano ang ulam sa hapunan, at ang tanging malaking problema mo lang ay kung papaanong hindi maging taya sa habulan.

Ilang taon na rin ang lumipas. Marami nang nagbago. Marami nang dumating at umalis sa buhay mo. May mga pangarap na hindi natamo at nalaman mong ang buhay ay hindi lang isang laro.

Ngunit ano pa man ang kinahitnan mo, kung ano man ang itinuro sa iyo ng bawat pagkabigo at hinagpis na naranasan mo, gamitin mo ito upang mas maging matibay at mas matatag na harapin ang mga susunod pang hamon ng buhay na ito.
Ang bawat pagtatapos ay panibagong pagkakataon upang muling makapag-simula. Upang maitama ang mga naging mali, upang mas maging matatag, upang magamit yung mga naging karanasan mo upang taas noo mong harapin ang panibagong daan na tatahakin mo pa.
Madalas ay kailangan na lang natin manahimik upang matapos na ang lahat. Minsan talaga ay hindi na natin kailangan pa magpaliwanag. Hindi na natin kailangan pang ipagtanggol ang mga sarili natin at hayaan na lang ang panahon na lumipas.
Minsan kailangan lang natin tumahimik at makinig. Makinig sa mga kaibigan mo, sa pamilya mo, sa sarili mo at sa Diyos. Matutong alisin muna ang spot light sa iyo at makinig muna sa mga tao sa paligid mo.

Ang pakikinig ay unang hakbang sa pagkatuto.  Natututo tayo sa pamamagitan ng pakikinig sa iba. Mula sa mga karanasan nila. Matututo tayo mula sa kanilang mga tagupay at pagkabigo. Upang hindi na maulit yung mga pagkakamali nila at upang matulungan tayong maiwasan na masaktan pa.

Minsan ang kailangan lang natin ay ang bukas na isipan at isang nakatikom na bibig.
Ang Iyong pag-ibig ang nagpapa-alala sa akin na masarap pa ring harapin ng may ngiti sa iyong mga labi ang isang panibagong umaga. Madalas ay naliligtaan ko ang kahalagahan nito. Na ang mga sirkumstansya sa buhay ay nagdudulot upang mapawi ang mga ngiti ko. Ngunit ikaw, ang iyong pagmamahal, ang iyong pagyakap, ang iyong presensya, ang patuloy na nagbibigay sa akin ng kadahilanan upang naisin pang harapin ang isa na namang araw na daraan.
Ayos lang madapa at masaktan. Na mabigo paminsan minsan. Na hindi makamit ang iyong kagustuhan. Magandang minsan ang mga bagay na ito ay maranasan. Upang sa susunod ay alam mo na kung papaano tumayo at kung ano ang ihahakbang.
Madalas kasi ginagawa nating last resort ang panalangin. Kung kelan huli na, kung kailan malala na, kung kelan masakit na at hindi na natin kaya. Doon lang natin Siya tatawagin. Doon lang ang tulong Niya hahanapin. Bakit hindi kaya bago pa lang tayo mag-desisyon o simulan ang isang bagay, ay hingin na natin ang pag-kilos Niya? Nang sa gayon ay sa bawat pagkilos natin ay nandoon ang pag-gabay Niya.
Sabi nga nila, madalas, kung kelan huli na, kung kelan wala na at hindi na maibabalik pa, doon natin nakikita ang tunay na halaga ng isang bagay.

Kaya’t habang nandiyan pa, habang may pagkakataon pa, ipakita mo na ang iyong pagmamahal at pagpapahalaga. Upang kung mawala man, maglaho man, at tuluyang lumisan, wala ka nang pagsisisi pa. Masakit man, ngunit alam mong ginawa mo ang lahat para sa kanya.