Huwebes, Hunyo 30, 2011

Nakasulyap sa bintana, hinihintay ang iyong pagtila. Inaasam ang pagsikat ng araw na maghuhudyat ng panibagong umaga.

Hanggang ngayon ay hindi ko pa rin mawari ang aking nararamdamang kabigatan sa tuwing ika’y nandiyan. Ang presensiya mo ay tila ba nagbibigay sa akin ng ‘di mailarawang kapighatian.

Ngunit ano mang pilit na itanggi ay alam natin pareho na ang kalungkutang ito ay hindi dahil sa iyo. Ang nararamdamang ito ay dahil sa katotohanang sa buhay na ito ay nag-iisa ako. Na sa mga ganitong pagkakataong kailangan ko ng pag-yakap, ng paglingap, ng magpaparamdam sa akin ng pagmamahal na tapat, ay wala akong matatawag na kung sino. Na nananatili pa ring nandito’t naninibugho’t patuloy na namimighati ang aking puso.

Kung kaya hangga’t hindi pa rin dumarating iyong araw na ako’y umibig na, ang bawat pagpatak mo ang sa aki’y magpapaalala ng aking pag-iisa.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento