Lunes, Hulyo 25, 2011

Dumarating talaga yung pagkakataon sa ating buhay na nawawala na yung kagalakan nating gawin ang isang bagay. At masasabi mo sa sarili mo na bakit pa kailangan manatili kung hindi ka na naman nasisiyahan?

Noong mga nakaraan ay ito ang aking nagiging pakiramdam. Tila ba nawawala na yung kagalakan na ibahagi dito yung aking mga nararamdaman. Na para bang nananatili na lang ako dito dahil sa mga nabuong pagkakaibigan.

Isa na rin siguro sa mga nagiging dahilan nitong pakiramdam na ito ay iyong malaking pagbabago sa sarili ko. Sa mga nagiging ugali ko. Matagal ko din itong itinanggi ngunit marami-rami na rin ang nagsabing tila ba lhindi na ako gaya ng dati. Na masyadong seryoso sa mga bagay at nawawala na yung saya’t ngiti kung saan nila ako unang nakilala. Lagi ko din sinasabi na ayoko sa mga mapanghusga ngunit unti-unti na din akong nagiging katulad nila. Na hinahayaan ko ang sarili kong makapanakit ng iba. Na tila ba wala na lang ang mga masasakit na salita kahit na ba alam kong malaki ang epekto nitong nagagawa.

Siguro nga kaya marami-rami na rin ang lumisan ay dahil nawala na yung dahilan kung bakit sila nananatili pa. Na nawala na yung kagalakan nila o may mga bagay sa buhay nila na mas mahalaga. Darating din yung panahon na aalis din tayo dito. Kaya habang masaya ka pa at nanaantili ka pa rito, bakit hindi mo subukang gamitin ito upang matuto, lumago, at mas maging mabuting tao.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento