Lunes, Hulyo 25, 2011

Habang pinapakinggan ang isa sa mga paborito nating kanta noon ay bigla kang pumasok sa aking isipan. Bumalik yung mga alala ng ating samahan na bahagya ko nang nalimutan.

Naalala mo pa ba yung mga gabing ang ginagawa lang natin ay ang umawit at magkuwentuhan? Nakatitig sa kanya-kanya nating bituin at tila ba kayang abutin ang lahat? Natutuwa akong balikan ang ating mga tawanan, ang ating mga awit na nilikha, at ang salitan ng mga drama natin sa buhay.

Pinag-uusapan natin noon ang lahat. Maging ang mga pinaka-sensitibong mga bagay. Walang itinago sa isa’t-isa at sabay na nag-iiyakan. Tapos ay kukunin ang gitara’t aawit upang mapawi ang nararamdamang lumbay. Iyon yung mga panahon na tila ba wala sa ating makapag-hihiwalay.

Ngunit dumating yung panahon na kailangan na nating magpaalam sa isa’t-isa. Na kailangan maghiwalay ng landas at tuparin ang mga pangarap nang hindi magkasama. At ngayon nga’y may kanya-kanyang mga buhay na.

Ngunit nawala man ang awitin, napawi man ang tawanan, at kahit na ba ang mga kwentuhan ay madalang na lang, ang mga alaala ng nakaraan ay hindi mawawaglit sa aking isipan kailanman.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento