Nagising ako sa isang malakas na kalabog mula sa may labas ng aming tahanan. Mag-aala una ng umaga. Pagmulat ng aking mata ay nandoon na ang aking kapatid sa bintana at nakasilip upang malaman kung ano ang nagaganap. Sa aming pagsulyap mula sa itaas ay nakita namin ang iilang taong nasa may kalsada. May na-aksidente. Dumulas ang sinasakyan nitong motorsiklo. Hindi namin maaninag ang buong pangyayari dahil sa nakaharang na puno. Maya-maya pa ay nagdagsaan na din ang mga tao. Nag-umpisa nang sumigaw at mag-iyakan ang kababaihan na kasama nito. Hindi na kami nagtangka pang bumaba dahil wala rin namang kaming magagawa at may sasakyan na rin namang dumating upang tumulong. Ilang sandali pa ay naisakay na yung lalaki’t nagsipulasan na ang mga tao.
Bigla lang pumasok sa isipan ko na hindi talaga natin hawak ang buhay. Wala tayong kasiguraduhan sa maaring mangyari sa atin sa kinabukasan. Na kahit ano pang edad mo, kahit gaano ka pa kalakas at kahit ikaw pa ang pinaka-mayamang tao, darating yung araw na lilisanin din natin ang mundong ito.
Una-una nga lang daw iyan ika nga nila. Kaya habang may pagkakataon pa tayo, habang bata pa, habang may lakas pa, ipakita natin sa mga tao sa paligid na mahal natin sila. Subukan ang lahat ng magpapaligaya sa iyo. Huwag matakot harapin ang anumang bagay basta’t ikasisiya mo. Basta’t sa pagtupad nito ay wala kang natatapakan na tao. Gawin mo ang lahat, sundan ang mga ninanais ng puso mo. Sulitin mo ang mga araw na ilalagi mo sa mundo.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento