Biyernes, Setyembre 23, 2011

Ang Pagtakbo ni Kaloy

Nagising ako isang umaga na mabigat ang pakiramdam. Para bang gusto kong umiyak, magwala at magsusumigaw. Hindi ko maipaliwanag ang nararamdaman kong ito. Basta bigla na lang napuno ng poot ang sarili ko pagmulat pa lang ng mga mata ko.

Ako si Kaloy. Labingwalong taong gulang at kasalukuyang nag-aaaral sa isang maliit na kolehiyo dito sa aming probinsiya. Masasabi kong mayroon akong simpleng buhay. Walang masyadong pinagkakaabalahan dahil sa wala namang maaaring gawin sa aming maliit na bayan. Kaya't palagian na lang akong walang ibang pagpipilian kundi ang tumulong sa gawaing bahay.

Tatlong kilometro ang layo ng nilalakad ko papunta sa kolehiyong pinapasukan. Kaya't marami akong oras na mag-isip sa mga bagay-bagay. Mula sa pinaka-malalalim kong problema at dinadala hanggang sa mga walang kwentang bagay na naglalaro sa aking isipan. Kadalasan ay iniisip ko kung makakamit ko ba ang mga pinapangarap ko, o kung kailan ba ako magkakaroon ng mga kaibigan. Kasi nga, dahil malayo pa ang aking tinitirahan ay kailangan ko nang magmadali sa pag-uwi pagkatapos ng klase. Tahimik lang din ako dahil seryoso ako sa pakikinig sa mga itinuturo ng aming propesor. Walang oras maglakwatsa dahil upang mapag-aral ako ay nagtitiis kumayod ng doble ang ama't ina ko. Ilap din sa akin ang aking mga kamag-aral dahil siguro sa itsura ko. Payat at sunog ang balat. Batak dahil sa mga naranasang hirap.

Pero wala naman akong reklamo. Kontento naman ako sa buhay ko. Kaya nga hindi ko maipaliwanag ang nararamdamang ito. Alam kong hindi ito galit. Dahil wala naman akong dahilan para makaramdam nito. Siguro ay nagsasawa lang ako. Nagsasawa sa paulit-ulit na pangyayari sa buhay ko. Marahil ay nagsama-sama lang ang mga emosyon na pilit kong sinasarili dahil wala naman akong mapagsasabihan nito.

Pero hindi pwede dito. Magigising ang magulang at mga kapatid ko. Baka isipin nilang nasisiraan na ako ng ulo. Tatakbo na lang ako. Tatakbo papunta sa lugar kung saan maari akong umiyak at magsisisigaw ng todo. Tatakbo na lang ako. Hanggang sa mapawi ang bigat na nararamdam ko. Itatakbo ko na lang ito.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento