Miyerkules, Oktubre 26, 2011

Basagulero

Pagkababa ko pa lang sa sinasakyang traysikel ay iba na ang naging kutob ko. Mukhang may hindi magandang mangyayari sa mga oras na iyon. At hindi nga ako nagkamali. Inabangan talaga nila ang pag-uwi ko. Hinintay sa kanto malapit sa bahay namin. Sadyang inabangan ang pagdaan ko.

Hindi pa pala sila tapos. Noong nakaraang linggo ay dinala ang isa kong tropa sa ospital dahil sa labis na pagkabugbog. At mukhang ako naman ang puntirya ng mga loko sa pagkakataong ito.

Nagpatuloy ako sa paglalakad. Nakayuko. Patay malisya. Ang mga kamay ay nakasukbit sa bulsa. Pero kahit nakatungo ay nararamdaman kong papalapit sila patungo sa direksyon ko. Kung tama ang pagkakabilang ko kanina, sila ay nasa pito. Dehado ako. Pero ang nasa isip ko noon ay bahala na't hindi na rin naman ako makakatakbo.

Ilang saglit pa nang ang isa sa kanila ay itinulak ako. Napag-atras sa kinatatayuan pero hindi na nagawa pang maka-buwelo dahil nasundan na agad iyon ng suntok sa mukha. Solido. Pumutok ang labi ko. Doon nag-dilim ang paningin ko dahil iniingatan ko ang mukhang ito. Kahit alam kong wala akong laban ay nakipag-salitan ako ng suntok. Hindi ko na ininda ang sakit sa mga oras na iyon at ang tanging nasa isip ko lang ay ang maka-banat din.

Hanggang sa bigla na lang silang nagtatakbo. Narinig ko ang pito ng tanod na kaibigan ng tatay ko. Tamang-tama ang dating niya dahil alam kong kung nahuli pa ng ilang saglit marahil ako'y nakalupasay na. Lumapit siya at tinanong kung ayos lang ba ako. Tumango. Nagpasalamat at dinampot na ang bag. Iika-ikang lumakad patungo sa bahay namin.

Hapong-hapo ako. Nang makaabot sa tarangkahan ay sumandal muna. Ngunit nakabukas pala iyon kaya't sumagalpak sa sahig ang puwetan ko. Ang sakit. Nagising ang diwa ko. Imahinasyon lang ang lahat. Dulot lang ng mapaglarong isipan ko.

Iniisip ko kung paano kaya kung naging ganito ang buhay ko. Yung laging may takot na abangan ng mga tropa sa kabilang kanto. Kabi-kabila ang bisyo. Tambay lang maghapon kasama ang tropa ko. Magpapakasaya lang. Walang pakialam sa mundo. At least may maikukuwento ako sa mga magiging anak ko. Na astig ang tatay nila bukod sa pagiging gwapo nito. Hindi gaya ngayon na paulit-ulit lang ang nangyayare sa araw-araw. Bahay. Trabaho. Walang thrill. Pero hindi rin, e. Hindi bagay sa itsura ko ang maging basagulero.

Tumayo na ako at pumasok na sa bahay. Sobrang sakit pa din ng puwet ko.

2 komento:

  1. Ingat ka lang palagi tsong

    Ako yung tipo ng tao na hindi nakikipag-away ayoko sa lahat ng gulo hindi ko alintana kung banggain mo ko ng walang dahilan hindi ako papalag.

    Pero kung tatapakan mo yung pamilya ko, kung babastusin mo yung mga taong mahal ko, kung may ginawa kang hindi katanggap-tanggap.

    Ang istilo ko kasi ng paghihiganti eh "Stealth"
    hindi mo na lang namamalayan.

    TumugonBurahin
  2. Parehas tayo tsong. Hahaha. Ganon din ako. Medyo loner ako kaya wala akong masyadong kakilala sa may amin. Hehe.

    Hindi mo yata natapos. )

    TumugonBurahin