Lunes, Disyembre 12, 2011

03/26/2006

Nakahilera kayo sa hagdan sa likod ng lumang gusali sa likod ng ating paaralan kung saan tayo laging nakatambay. Yung tanging lugar na kung saan ay malayo tayo sa lahat. Nakatayo lang ako at pinagmamasdan kayo. Hindi ko alam ang aking gagawin habang nakikita ko ang pagluha ninyo. Palibhasa ay ako lang ang lalaki sa ating grupo. At mas sanay ako na ako lagi ang pinagtatanggol ninyo. Ang tangi ko lang nagawa noong mga sandaling iyon ay ang tabihan kayo at tapikin ang inyong mga balikat. Nakakainis. Pakiramdam ko ay napaka-walang kwenta ko. Wala man lang akong masabing anumang salita para mapagaan naman kahit papaano ang pakiramdam ninyo.

Ako yung iyakin sa atin pero noong mga oras na iyon ay alam kong kailangan kong pigilan ang pagpatak ng mga nangigilid na luha ko. Dahil alam kong sa pagkakataong iyon ay ako naman ang kailangan ninyo.

Natalo tayo. Masama lahat ang loob. Nabalewalang lahat ang mga pinagpuyatan natin ng ilang gabi. Nabalewala ang lahat ng pagod at hirap na pinuhunan natin.

Nabigo.

Pero kung meron mang isang bagay na magandang naidulot ang kabiguang ito, iyon ay yung alam nating dahil dito ay mas naging matatag pa ang pagkakaibigan na meron tayo. Na sa pagbalik tanaw natin sa nakaraan, maaalala natin ang araw na ito. Sabay sabay na nakangiting babalikan yung araw na nagpabago sa takbo ng ating mundo.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento