04/06/2005
Limang araw bago ang aking ika-labinlimang kaarawan at araw ng pagtatapos sa elementarya ng aking nakababatang kapatid.
Simula na noon ng ating bakasyon. Sinusulit ang panahon na magkakasama dahil baka hindi na magka-eskwela sa susunod na taon. Pagkatapos manood ay nagpasya tayong tatlong libutin ang dating paaralan. Matagal-tagal na rin kasi tayong hindi doon nakadalaw.
Habang naglalakad ay hindi maubos ang ating tawanan at kwentuhan. Nakakatuwang balikan yung mga alaala ng nakaraan. Nawili masyado sa usapan. Hindi namalayan na ilang oras na pala ang nakalipas. Nagsisimula nang dumilim. Dali-dali tayong tumakbo tungo sa tarangkahan. Sarado. Kaya pumunta naman tayo sa likod para doon lumabas ngunit sarado na rin ito. Wala tayong ibang pagpipilian kundi ang akyatin ang mataas na bakod nito.
Noong tuluyan na tayong nakalabas ay walang pagsidlan ang ating tawanan. Hindi kasi akalain na magagawa ito kailanman. Hindi pa kasi tayo nakakapag-'over-the-bakod' noon dahil nga mga matitinong estudyante kuno tayo. Pagkatapos noon ay nakangiting naghiwalay na tayo. At tulad nga ng ating ikinakatakot, sa sumunod na taon ay nahiwalay na ako sa inyo.
Pero kung meron mang isang bagay na hindi ko nasabi sa inyo noong araw na iyon, ito ay iyong labis labis noon ang pagseselos ko. Na sobra akong nasasaktan habang nasa likod ninyo ako at nakikitang magkahawak ang mga kamay ninyo. Na nabibiyak ang puso ko sa tuwing nakikita ang matamis na tinginan ninyo. Pero wala akong magawa dahil mas mahalaga sa akin ang pagkakaibigan na meron tayo. Wala akong magawa. Dahil mas pinili kong magpaubaya dahil mahal ko kayo pareho.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento