Linggo, Oktubre 23, 2011

Naku tsong, hindi ka talaga makakawala diyan sa pagkakagapos mo kung ikaw pa mismo ang naghihigpit ng pagkakatali nito sa iyo.


Kausap ko yung sarili ko kanina. Medyo close kasi kami, e. Sanggang dikit kumbaga. Medyo naiintindihan nya naman ako kahit na ba madalas kaming hindi magkasundo. Dumaan na din kami doon sa point na nagka-pisikalan na pero madali naman iyon lumilipas. Nagkakabati din kaagad. Ganon naman talaga siguro ang mga magkaibigan.

Kanina, pinapagsabihan niya na naman ako. Tumino-tino daw ako. Masyado ko daw kasi kinukulong ang sarili ko sa pagtanggap ng iilang mga tao. Tapos kapag hindi ko nakuha yung gusto ko e sasama ang loob ko. Eh sa una pa lang naman daw ay ako ang may gusto nito. Kasi naman daw ay marami namang mga tao na nandiyan para sa akin pero bakit ba daw kasi pilit kong pinagsisiksikan yung sarili ko sa mga taong may sarili nang mga buhay at hindi naman ako kasama doon.

Alam kong may punto si pare. Pero syempre kahit iyon ang sabi ng utak ko e, iba pa rin ang nasa kalooban ko. Magkaiba yata yun, e. O sadyang siraulo lang talaga ako at mas guto ko itong nasasaktan ako. Sabi nga nila diba, minsan tayo lang naman ang gumagawa ng ikalu-lungkot natin. Siguro nga ganoon ako. Ganoon yung ginagawa ko ngayon sa sarili ko. Siguro nga kasama sa trip ko sa buhay na tingnan yung mga bagay na wala ako.

Aba e, ayos pala itong si pare. Mas masarap kausap kesa sa mga taong nandiyan daw para sa iyo pero hindi naman magawang maipadama sa iyo. Mas madalas ko na ngang kakausapin sarili ko tutal siya lang naman ang may tiyagang pakinggan ako.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento