Huwebes, Nobyembre 17, 2011





Jake: You don't want to do this, man.
Roger: It's too late, Jake. Like you ever cared.

Pagkatapos ng gagawing ito ay maglalaho na lahat ng kanyang hinanakit sa mundo. Titigil na ang kanyang pagluha at matatahimik na ang kanyang isip na sadyang madaming gumugulo. Itinapat niya ang baril sa bibig at kinalabit ang gatilyo. Bumagsak siya sa sahig na may ngiti sa labi na wari'y nagsasabing, 'Tapos na ang lahat ng paghihirap ko.'


Ito ay isang eksena mula sa aking paboritong pelikula. Labis ang pagkabiyak ng puso ko noong napanood ito dahil sa naging realisasyon ko sa bahaging iyon ng kwento. Maraming tanong na bumagabag sa isipan ko.

- Kelan nga ba ang huling beses na kinamusta ko ang isang kaibigan sa kanyang tunay na kalagayan? Yung hindi pangangamusta lang upang meron lang mapag-usapan.
- Kelan ko nga ba huling naipakita at nasabi sa mga tao na mahalaga sa akin kung gaano ako kapalad na nariyan sila sa buhay ko?
- Kelan nga ba yung huling pagkakataon na tumigil ako sandali para mag-alok ng tulong sa isang hindi ko kilalang tao?
- Meron bang taong hinahangad ang pagpansin ko pero akin pa lang nababalewala?

Maraming taong nakararamdam ng pag-iisa. Yung pakiramdam na wala sayong nagmamahal, walang may pakialam at wala kang kwenta. Madalas hindi natin ito napapansin dahil tinatago nila o sadyang abala tayo sa sarili nating buhay at wala nang pakialam sa iba. Minsan pa nga ay tayo pa ang nagiging dahilan upang ang labis na kalungkutan ay mas maramdaman nila.

Madalas kong isama sa panalangin ko na nawa'y i-comfort ng Diyos ang lahat ng nabibigatan ang loob at nangangailangan ng pagyakap, pagmamahal at pagtulong. Dahil noong mga panahon na nandoon ako sa ganoong kalagayan ay Siya lang ang naging tanging takbuhan ko. Pinangako ko noon na kahit papaano'y gagawin ko ang bahagi ko para hindi na iyon maranasan ng ibang tao. Pero naging makasarili ako. Oo nga't hindi ko iyon naiwawaglit sa aking mga panalangin pero hindi iyon sapat. Alam kong kailangan ko rin kumilos at may gawin.

Minsan kailangan din nating kalimutan sandali ang sarili at tingnan ang kalagayan ng iba. Na iparamdam natin na sila ay mahalaga. Kasi kahit ang ngiti ay maaaring isang balatkayo sa tunay na nadarama. Hindi naman kailangan ng salita, sapat na nandiyan ka. Ang simpleng akbay at yakap ay sapat na para maiparamdam mo na may pakialam ka. Dahil minsan hindi natin alam, sa simpleng bagay na ginawa mo ay meron kang buhay na naisalba.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento