Lunes, Oktubre 17, 2011

Mag-aasawa na ako.

Napadaan sa akin yung gm ng isa kong kaklase noong hayskul. Ang sabi nya, '-kainis,kulim2 n..paulan n..magsasam2 n ako ng mga sinampay..'

Napaisip ako bigla. Meron na nga pala siyang sariling pamilya. Inuumpisahan na ang buhay kasama ang asawa't anak niya. Ang totoo nyan e, marami-rami na rin sila. Yun pang mga ni sa hinagap ay hindi mo inakalang sila pa ang mauuna.

Samantalang ako, ni hindi pa nga nagkakaroon ng kasintahan miski isa. Napag-iiwanan na. Ni hindi pa nga ako nakakaranas umakyat ng ligaw. Walang ideya kung ano ang pakiramdam ng lumalakad ng may ka-hawak kamay. Sumubok magmahal pero malabo din naman. Maraming nagpaparamdam pero ang habol lang naman ay ang aking katawan. charot!

Siguro dahil alam ng tadhana na hindi pa rin naman ako handa. Baka kailangan ko muna daw matutong tumayo sa sarili kong mga paa. Kasi nga naman miski nga sarili kong brief hindi ako marunong maglaba. Hindi marunong magtiklop ng kumot at ang kwarto ay laging parang nasa giyera. At bukod pa doon ay hindi pa rin naman papasa ang takbo ng utak ko para sa isang taong pamilyado na.

Binabalak kong lumagay sa tahimik kapag ako'y trenta anyos na. Siguro naman sa mga panahon na yun e, ako ay stable na. May maayos ng trabaho o negosyo at kahit papaano ay may naipundar na. Mas maganda rin siguro kung napatayuan ko na ang nanay ko ng dream house nya. At kapag nangyare na iyon ay doon naman ako magpapatali sa ibang babae na. Yung babaeng magiging nanay ng mga anak ko at habang buhay kong mamahalin ng sobra. At kasama kong itataguyod ang sa pagkakataong ito ay sarili ko nang pamilya.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento